Sa darating na 2028, haharap muli ang sambayanang Pilipino sa isang makasaysayang halalan. Ngunit bago pa man tayo pumili ng susunod na lider ng bansa, malinaw sa atin ang hamon, paano natin sisiguraduhin na ang bawat boto ay bunga ng tamang impormasyon at hindi ng maling akala, tsismis, o bulag na paniniwala?
Ang grupong Filipinos for a Better Philippines ay nagsusulong ng mga konkretong mungkahi para itaas ang kalidad ng ating eleksyon. Ang kanilang panukala ay simple ngunit makapangyarihan na dapat isama sa Certificate of Candidacy ang biodata, work experience, at dalawang pangunahing solusyon ng kandidato sa mga suliraning kinahaharap ng bansa.
Hindi ito higit sa dalawang pahina ngunit maaaring magbukas ng pintuan para sa mas malalim na pagsusuri ng taumbayan.
Sa ganitong paraan, mabibigyan ng pagkakataon ang mga botante na fact-check, pag-usapan, at suriin kung may kakayahan ba ang kandidato na tuparin ang kanyang mga ipinapangako.
Ang pagbibigay ng “scorecard” para sa bawat mananalong opisyal ay lalo pang magpapatibay ng pananagutan. Pagkatapos ng lahat, hindi ba’t ang pampublikong posisyon ay isang tiwala mula sa taong bayan?
Ang ganitong mga mungkahi ay hindi lamang usapin ng teknikalidad kundi ito’y usapin ng hustisya at respeto sa kapangyarihan ng bawat Pilipino na pumili. Sa panahon kung saan laganap ang fake news o disinformation, ang paglalabas ng opisyal, malinaw, at madaling intindihing impormasyon mula sa Comelec ay magiging sandata ng mamamayan laban sa manipulasyon.
Kung tutuusin, hindi tama at hindi makatarungan ang bansagan ang mga botante bilang “bobotante.” Ang kakulangan ay hindi nasa kanila kundi nasa sistemang hindi pa rin sapat ang pagbibigay ng tamang impormasyon at edukasyong pampolitika.
Kung seryoso ang ating bansa na baguhin ang kalakaran ng pulitika, dapat magsimula tayo sa pinaka-basic, isang mas maayos, mas malinaw, at mas makabuluhang sistema ng eleksyon. Ang hamon ngayon ay nasa Comelec kung pakinggan ang ganitong uri ng reporma at bigyan ito ng puwang.
Sa 2028, ang boto ng bawat Pilipino ay maaaring maging simula ng tunay na pagbabago, kung ito’y gagabayan ng tamang kaalaman at mas mataas na pamantayan.
Ang tanong, handa na ba tayong mga Pilipino na iwan ang dating estilo ng pulitika at yakapin ang isang halalan na tunay na makatao, makabago, at makatarungan?
