Agad na naghatid ng tulong ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga biktima ng 6.9 magnitude na lindol na yumanig sa Cebu at karatig-probinsya nitong Martes ng gabi.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, agad nilang inatasan ang mga branch office at authorized agent corporations (AACs) na magbigay ng agarang ayuda bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa unang naghatid ng donasyon ang Piona Trading and Supply Corp. at King Dragon Gaming and Amusement Corporation, na nag-abot ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu nitong Miyerkules.
Dagdag pa rito, nakatakda ring dumating ang iba pang tulong mula sa iba pang AACs at katuwang ng PCSO.
Kabilang sa unang ipinamigay ang Charitimba food packs, habang ang mga evacuation supply kits gaya ng kulambo, banig, kumot, tsinelas, flashlight, unan, tuwalya at iba pang gamit ay inilipad sa Cebu gamit ang C-130 aircraft noong Miyerkules ng hapon.
“Kasama ng PCSO ang ating mga kababayan sa Cebu at karatig-lugar. Patuloy naming tututukan ang sitwasyon at magdadala ng karagdagang tulong para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga naapektuhan,” pahayag ni Robles.
Dagdag pa niya, buhay na buhay ang bayanihan spirit at sisikapin ng PCSO na maghatid ng ginhawa sa mga nasalanta.
Batay sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 63 ang nasawi at higit 150 ang sugatan dahil sa naturang lindol.
Tiniyak naman ng PCSO na magpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang suportahan ang relief at rehabilitasyon sa mga apektadong komunidad.
