Maglalaan ng tulong pinansyal at burial assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay matapos ang 6.9 magnitude na lindol na tumama sa Cebu nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao ng DSWD Disaster Response Management Group, bawat pamilyang naulila ay tatanggap ng P10,000 cash assistance mula sa DSWD Field Office 7 – Central Visayas.
“Kasabay ng accounting sa bilang at lokasyon ng mga nasawi, makikipag-ugnayan din ang aming mga social worker sa mga pamilya upang ipaalam na sasagutin ng DSWD ang gastusin sa pagpapalibing,” ani Dumlao.
Iniulat ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na patuloy pang tumataas ang bilang ng mga nasawi, habang may ilan ding sugatan at nawawala. Idineklara na ang Cebu sa ilalim ng state of calamity upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong at recovery efforts.
Mula Masbate, kung saan namahagi ng ayuda kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga nasalanta ng Bagyong Opong, iniutos ng Pangulo kay DSWD Secretary Rex Gatchalian na agad tumungo sa Cebu upang pangunahan ang relief operations.
Kasama rin sa direktibang ito ang pagtatalaga kay Undersecretary Diana Rose Cajipe at Assistant Secretary Ulysses Aguilar para tumutok sa disaster response sa probinsya.
Samantala, nagsasagawa na ng damage at needs assessment ang team na pinamumunuan ni Regional Director Shalaine Marie Lucero sa Bogo City, na siyang pinakamalubhang naapektuhan ng lindol.
