Photo: LA Times
Tiyak nang magkakaroon ng bagong reyna ang Wimbledon ngayong taon matapos ang tagumpay ng Pinay tennis sensation na si Alex Eala.
Ipinagpatuloy ng 21-anyos na si Eala ang kanyang kampanya sa The Championships matapos patalsikin ang defending champion at World No. 3 na si Iga Swiatek ng Poland, 7-6 (9), 6-2, sa prestihiyosong Centre Court ng All England Club nitong Sabado, Hulyo 4 (oras sa London).
Dahil sa makasaysayang panalong ito, umabante si Eala sa fourth round o Round of 16 ng women’s singles tournament, na hudyat ng kanyang pagpasok sa ikalawang linggo ng isang Grand Slam event.
“Hindi ko alam kung paano ito ilalarawan. Kasama na ako sa second week ng isang Slam at napakaganda nito para sa akin. Isang phenomenal na manlalaro at napakabait na tao ni Iga, kaya laking pasasalamat ko na nakasama ko siya sa Centre Court ng Wimbledon,” pahayag ni Eala pagkatapos ng laban.
Ang tagumpay na ito ay isang matamis na resbak para kay Eala. Matatandaang eksaktong isang taon na ang nakalilipas nang mapatalsik siya sa kanyang Wimbledon main draw debut ng noon ay reigning champion na si Barbora Krejcikova. Ngunit sa pagkakataong ito, ang Pinay naman ang nag-uwi ng upset laban sa may-hawak ng korona.
Ipinamalas ni Eala ang kanyang determinasyon nang solohin ang marathon opening set na tumagal ng 1 oras at 24 minuto, kung saan dinaig niya si Swiatek sa isang dikitang tiebreak, 11-9.
BASAHIN: Carlos at Eldrew Yulo, sumungkit ng ginto at bronze sa Asian Championships
Nalagay pa si Eala sa bingit ng pagkatalo sa unang set nang makuha ng 6-time Grand Slam winner na si Swiatek ang 8-7 abante sa tiebreak. Subalit hindi natinag ang Pinay ace—kumuha siya ng apat sa sumunod na limang puntos upang agawin ang set, na nagdulot ng hiyawan sa mga residenteng Pilipino na may bitbit pang watawat sa stadium.
Dinala ni Eala ang momentum sa ikalawang set kung saan mabilis siyang umarangkada sa isang dominanteng 4-0 lead. Sinubukan pang humabol ng Polish star nang manalo sa susunod na dalawang laro para idikit ang iskor sa 2-4.
Sa ikawalong game, nagkaroon pa ng bentahe (advantage) si Swiatek matapos ang unforced error ni Eala upang subukang ilapit ang iskor sa 3-5. Ngunit nanatiling kalmado ang Pinay, nakuha ang sumunod na tatlong puntos, at tinapos ang laban sa loob ng 2 oras at 14 na minuto sa pamamagitan ng isang nagbabagang forehand winner na lumagpas sa kanyang idolo.
Sa sobrang emosyon at tila hindi makapaniwala sa kanyang nagawa, napahiga si Eala sa court habang umaagos ang luha ng kagalakan.
Dahil sa panalo, hawak na ngayon ni Eala ang 2-1 head-to-head record laban kay Swiatek. Unang tinalo ng Pinay ang Pole sa hard court noong 2025 Miami Open quarterfinals para maging kauna-unahang Pilipina na nakatuntong sa WTA 1000 semifinals, bago nakabawi si Swiatek sa clay court ng 2025 Madrid Open.
Pinatunayan din ng tagumpay na ito ang bagsik ni Eala laban sa mga elite players, kung saan umakyat na sa 7-4 ang kanyang rekord laban sa mga nasa Top 10 ng mundo. Kabilang sa mga pinadapa niya ngayong taon sina World No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa Berlin Open at No. 7 Coco Gauff ng United States sa Indian Wells Open.
Susunod na makakasagupa ni Eala para sa isang slot sa quarterfinals ang World No. 17 at 13th seed na si Jasmine Paolini ng Italy. (RON TOLENTINO)
