Nag-uwi ng pambansang pagkilala ang Department of Science and Technology Ilocos Region (DOST Ilocos Region) sa nakaraang 15th Anniversary Celebration ng STARBOOKS, na ginanap noong Hunyo 24 hanggang 25, 2026 sa Acacia Hotel Manila, Alabang, Muntinlupa City.
Ang dalawang araw na selebrasyon na inorganisa ng DOST–Science and Technology Information Institute (DOST-STII) ay may temang “Brilliance, Stories, and Timelessness.”
Layunin nitong bigyang-pugay ang naging biyahe ng STARBOOKS sa pagdadala ng de-kalidad na impormasyon ukol sa agham at teknolohiya sa buong bansa, lalo na sa mga liblib at salat sa pasilidad na komunidad.
Kinilala ang DOST Ilocos Region bilang isa sa mga natatanging kasosyo o outstanding partners ng STARBOOKS sa bansa. Ito ay dahil sa kanilang agresibong kampanya na palawakin ang digital science resources sa kanilang nasasakupan.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 900 STARBOOKS units ang matagumpay na nailatag ng rehiyon sa mga paaralan, silid-aklatan, local government units (LGUs), at iba pang partner institutions sa buong Ilocos.
Bukod sa malawak na deployment, nasungkit din ng DOST Ilocos Region ang 3rd Place Award sa STARBOOKS Deployment Officers Video Contest.
BASAHIN: Makabagong teknolohiya, sagot ng DOST sa production bottlenecks ng muscovado farmers sa Bukidnon
Kinilala ng parangal ang pagiging malikhain ng rehiyon sa pagpapakita ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga mag-aaral dahil sa STARBOOKS.
Dahil sa panalong ito, napanatili ng rehiyon ang kanilang streak ng excellence dahil mula pa noong taong 2022 ay palagi silang napapasama sa mga national winner sa naturang video contest taon-taon.
Ang pagtitipon ay pinangunahan nina DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Maridon O. Sahagun at dating DOST Assistant Secretary at ngayo’y National Privacy Commission Commissioner Raymund E. Liboro—ang boses at vision sa likod ng pagtatatag ng STARBOOKS noong 2011.
Sa ikalawang araw ng programa, sumalang ang mga deployment officer sa mga learning sessions upang mas mapalakas ang implementasyon ng programa.
Naging kabahagi rito si G. Edric Calma ng Knowledge Channel Foundation, Inc. (KCFI) na nagbahagi ng kanilang mga programang pang-edukasyon na maaaring katuwangin ng DOST.
Ipinakita rin ng Erovoutika Robotics and Automation Solutions ang mga pinakabagong robot at automation technologies na maaaring gamitin upang mas mapayaman ang pagtuturo ng siyensya sa mga silid-aralan.

Sa pagtatapos ng aktibidad, tiniyak ng DOST Ilocos Region na magpapatuloy ang kanilang misyon na ihatid ang agham, teknolohiya, at inobasyon sa bawat Ilocano upang maitaguyod ang kultura ng karunungan at lifelong learning.
