
Bitbit ang momentum mula sa kanyang runner-up finish sa Lexus Eastbourne Open, sisimulan ni Alex Eala ang kanyang kampanya sa 2025 Wimbledon Championships ngayong Martes, Hulyo 1.
Ito ang kanyang ikalawang pagkakataon na makapasok sa main draw ng isang Grand Slam, matapos ang kanyang debut sa French Open noong Mayo na nagtapos sa unang round.
Ngunit, isang matinding hamon ang naghihintay kay Eala sa kanyang unang laban — ang pagtatagpo niya laban sa defending champion na si Barbora Krejcikova, isang two-time Grand Slam winner at dating world No. 1 sa women’s doubles.
Bagamat kilala sa husay, may mga agam-agam sa kalagayan ng kalusugan ni Krejcikova. Umalis siya sa quarterfinals ng singles at doubles sa Lexus Eastbourne Open dahil sa sakit sa kanang hita. Sa kanyang unang grass-court tournament ngayong taon, ang HSBC Championships, natalo rin siya sa Round of 32 sa straight sets kay Rebeca Sramkova.
Simula nang manalo siya sa Wimbledon laban kay Jasmine Paolini noong nakaraang taon, hindi pa nadagdagan ni Krejcikova ang kanyang koleksyon ng titulo. Ngunit, hindi ito nagpapababa sa kanyang kakayahan. Sa isang panayam, inamin niya ang hamon ng pagtatanggol sa titulo pero tinawag niya itong “tough and complicated, but not at all difficult.”
Samantala, patuloy ang pag-angat ni Eala matapos ang kanyang breakthrough performance sa Eastbourne. Hindi ito ang unang Grand Slam champion na kanyang nalupig — natalo niya sina Iga Swiatek, Jelena Ostapenko, at Madison Keys sa Miami Open nitong Marso.
Kasulukuyan siyang nasa career-high na No. 56 sa WTA singles rankings at makakasalamuha niya si Krejcikova sa unang pagkakataon sa tour. Kasama sila sa lower half ng draw na may mga malalakas na manlalaro tulad nina Mirra Andreeva, Emma Navarro, Jessica Pegula, Coco Gauff, at Swiatek.
Kapag natalo ni Eala si Krejcikova, makakaharap niya ang mananalo mula sa laban nina Caroline Dolehide at Arantxa Rus.
Ngunit, sa ngayon, isa-isa muna ang laban. (RON TOLENTINO)
