Hindi pa rin nauubos ang suwerte para sa Pinay tennis sensation na si Alex Eala matapos itong biglaang makapasok sa main draw ng WTA500 Strasbourg Open sa France, bilang bahagi ng kaniyang huling preparasyon bago ang tuluyang pagsabak sa prestihiyosong French Open.
Si Eala, na unang nakalista bilang No. 1 sa qualifying list, ay pumasok bilang late replacement para sa kaniyang dating doubles partner na si Hailey Baptiste ng United States, na biglaang umuurong sa torneo ngayong Linggo, Mayo 17.
Dahil dito, awtomatikong lumaktaw si Eala patungo sa main tournament kung saan makakatapat niya ang isang qualifier na lalaruin pa lamang ang pinal na bahagi ng eliminasyon.
Ang Strasbourg tournament ay nagsisilbing pre-tourney o warm-up para sa clay court grand slam na Roland Garros (French Open), na nakatakdang ganapin mula Mayo 24 hanggang Hunyo 7 sa Paris.
Galing ang 20-anyos na si Eala sa isang linggong pahinga matapos ang kaniyang makasaysayang kampanya sa Italian Open. Sa kauna-unahang pagkakataon, naabot niya ang ikatlong round ng isang clay tournament bago yumuko sa World No. 2 na si Elena Rybakina ng Kazakhstan, sa iskor na 6-4, 6-3.
BASAHIN: Mariel: Robin ‘di deserve ng mga kritiko
Sakaling malalagpasan ni Eala ang kaniyang unang makakalabang qualifier sa Strasbourg, posibleng makaharap niya sa second round ang alinman sa mga pambato ng Czechia na sina WTA singles No. 39 Katerina Siniakova o WTA No. 26 Marie Bouzkova.
Bago pa man magsimula ang mga laro sa Strasbourg at French Open, inaasahang aakyat ang ranking ni Eala sa World No. 38 mula sa kasalukuyang No. 42 hawak ang 1,340 puntos sa WTA live rankings, matapos makakuha ng karagdagang 55 puntos mula sa kaniyang magandang performance sa Rome.
Bukod sa singles, kumpirmado ring sasabak si Eala sa doubles event ng Roland Garros kung saan makakatambal niya ang 19-anyos na Canadian tennis star na si Victoria Mboko, na kasalukuyang World No. 9 at No. 1 seed ngayon sa Strasbourg.
Ito ang magiging unang pagkakataon na magsasama bilang isang koponan ang dalawang sumisikat na batang manlalaro. (Ron Tolentino)
