Nabuko ng mga awtoridad ang isang sindikato ng seryeng pagnanakaw ng kable matapos ma-intercept ng kapulisan ang apat na lalaking nagpanggap na “utility workers” upang palihim na mag-tap at magnakaw ng mga copper cable sa ilalim ng lupa, madaling-araw ng Mayo 15.
Nangyari ang insidente dakong alas-4:00 ng madaling-araw sa kahabaan ng Dr. Arcadio Santos Avenue sa BF Homes, Parañaque City.
Ayon sa ulat, naging susing salik sa pagkakaaresto ang pinalakas na Enhanced Managing Police Operations (EMPO) na bahagi ng Five-Point Agenda ni PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Nasakote ng mga nagpapatrolyang tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang tatlong suspek habang binubuksan ang isang manhole ng PLDT.
BASAHIN: Lechon Festival sa La Loma, nagbabalik ngayong araw
Huling-huli sa akto ang isang suspek na kalalabas lang mula sa loob ng manhole bitbit ang mga pinutol na copper cables, habang ang dalawa naman ay nagsisilbing lookout sa labas.
Nang mapansin ang papalapit na mga pulis, mabilis na sumakay ang mga suspek sa isang puting van at humarurot palayo. Nagkasa agad ng malawakang dragnet operation ang mga awtoridad na humantong sa pagkaka-intercept sa kanila sa bahagi ng Bicutan.
Ginamit ng mga suspek bilang disguise ang mga kasuotang pan-utility worker para hindi sila paghinalaan ng mga dumaraang motorista habang isinasagawa ang krimen.
Sa kanilang pagkakadakip, narekober ng pulisya ang dalawang pirasong tig-dalawang metrong kable ng PLDT kasama ang mga kasangkapang gaya ng bolt cutter, kadena, steel bar, metal saw, at apat na improvised steel hooks.
Bitbit din ng mga operatiba ang mga suot nilang tatlong construction shirt na may reflector, pulang hard hat, berdeng raincoat, at ang puting Foton Tornado van na ginamit sa kanilang mabilisang pagtakas.
Nahaharap na ngayon ang apat na arestadong suspek sa kasong paglabag sa Section 4(d) ng Republic Act 10515 o ang Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
Pinaalalahanan naman ni NCRPO Regional Director PMgen. Anthony A. Aberin ang publiko na mas pinaigting pa ng kapulisan ang kanilang presensya sa mga lansangan upang protektahan ang mga kritikal na imprastraktura ng komunikasyon.
“Dahil sa EMPO, mas mabilis nating natutukoy ang mga kaduda-dudang aktibidad bago pa man makapinsala sa mga serbisyong pampubliko. Patunay ito na ang walang-humpay na police visibility ay epektibo sa pagpapanatili ng kaayusan,” pahayag ni Aberin.
