Tumindig bilang tunay na bayani ngayong National Heroes Day si Alex Eala matapos niyang pabagsakin ang world No. 14 na si Clara Tauson sa isang nakakakabog na laban sa US Open, Lunes ng madaling-araw (oras sa Pinas).
Mula sa 1-5 na pagkakalugmok sa third set, bumangon ang 20-anyos na Filipina tennis star at pinasuko ang mas mataas na ranked na kalaban, 6-3, 2-6, 7-6 (11), para maging unang Pinoy sa Open Era na nanalo ng Grand Slam singles match.
Umabot ng dalawang oras at 36 minuto ang bakbakan na puno ng drama, kabilang na ang kontrobersyal na video review call na kinuwestyon ng kalabang si Tauson. Sa huli, sumablay ang Danish star at dumoble ang error, dahilan para lumiyab ang buong Grandstand ng hiyawan para kay Eala.
“Para akong nasa bahay dahil sa suporta ng mga Pinoy dito at online. Sobrang nagpapasalamat ako,” ani Eala, na dumaan sa shoulder injury bago makabalik sa aksyon.
Matatandaan na nitong taon ay ginulat din ni Eala ang mundo nang talunin sina Ostapenko, Keys, at Swiatek sa Miami Open. Sa susunod na round, makakaharap niya ang panalo sa pagitan nina Claire Liu ng US at Cristina Bucsa ng Spain. (RON TOLENTINO)
