December 25, 2024

P4K CASH GIFT PARA SA MGA SENIOR CITIZENS IPINAGKAKAIT SA TAYTAY, RIZAL

ASAHAN na ang pagmamaktol ng marami nating senior citizens diyan sa bayan ng Taytay, Rizal matapos ipagkait sa kanila ang P4,000 cash gift ng pamahalaang bayan ng Taytay.

Sa kanyang Facebook live, nilapitan si dating Mayor Joric Gacula ng ilang senior citizens para ipaabot ang kanilang hinaing sa kasalukuyang administrasyon.

Sa sumbong ng mga senior, ipinagkait daw sa mga senior ang P4,000 na gift cash sa kadahilanang wala na raw sapat na pondo ang pamahalaang lungsod.

Pinuna naman ito ng dating alkalde kung saan sinabi nito posibleng mawalan ng pondo ang pamahalaang bayan ng Taytay gayung malaki ang iniwan nitong pondo bago pa siya bumaba sa puwesto.

Ikinalungkot din ni Gacula ang nakarating sa kanyang impormasyon na wala raw makapagsalita kung magkaano talaga ang kasalukuyang budget ng pamahalaang bayan ng Taytay.

“Ayon sa ating mga member ng Sangguniang Bayan… si Konsi Joan.. nagkaroon ata ng hearing. At ang ating president ng Federation ng senior citizens ay ipinu-push pa rin na P4,000. Kaya lang nakakalungkot nga na parang dun mismo sa panayaman sa ibang budget officer ay walang nabanggit dahil tinanong daw ni Konsi Patrick kung magkano raw ang budget ng munisipyo na natitira as of these day. E wala po raw nakasagot,” ayon kay Joric.

“Sinasabi na tanging P48,000 lang ang pondo ng Pamahalaang Bayan gayung bongga ang mga pa-ilaw at pa-concert. Sa isang araw lang ang pasahod sa empleyado ng munisipyo ay daang libo,” dagdag ng dating alkalde.

Aniya, hindi na naniniwala ang mga senior citizens kung paulit-ulit ang sinasabi na P48,000 na lamang ang pondo ng pamahalaang bayan na parang zarzuela na lang.

“Kaya ang tanong, bakit ayaw ibigay P4,000 sa mga senior citizens?” ayon kay Gacula.

“Ayaw kong mag-isip ng masama, pero anong masama kung ibibigay sa senior citizens ang P4,000?” giit pa ng dating alkalde.

Samantala, sa inilabas na Resolution 2022-002, hindi isinama sa P30,599,012,89 “realigned budget” ng mga miyembro ng Taytay Development Council (TDC) ang P4,000 cash gift ng mga senior.

Idinadaing naman ng mga senior citizens na mas inuna pa ang P6 milyon na Christmas lights sa Park  at concert expense kaysa ilagay sa financial assistance para sa mga senior citizens.

Saad nila, ito lang ang inaasahan para maitawid ang pangangailangan nila sa pagkain at gamot. Marami pa nga sa kanila riyan, ay silang inaasahan sa mga bayarin. Hindi na sila makapaghihintay, lalo pa’t nasa panahon na sila ng kanilang “dapit-hapon,” ipagkakait pa ba sa kanila ang kapiranggot na cash gift lalo na ngayong magpa-Pasko? ABNTE