Ang larangan ng billiards at snooker ay isang non- contact sport na marapat lang na mapahintulutan na ng kinauukulan na sumargo na uli ang naturang ‘game of precision’.
Ito ay MINA ng ginto ng Pilipinas sa international competitions. Isa sa pinagpipipitagan at iniidolong pool icon sa bansa (at sa mundo) si Marlon ‘Marvelous’ Manalo- kampeong Kapitan ng Bgy.Malamig at naging ABC President sa Lungsod Mandaluyong.
Nagkaroon ng pagkakataong makadaupang- kamay ng korner na ito si ‘Champ Manalo nang magpaunlak siya ng panayam na one- on-one kahit napaka-hectic ng kanyang iskedyul a paglilingkod sa kanyang konstituwente.
Ilang sandali pa bago ang takdang interview ko kay Kap ay dumating ako sa kanyang paboritong hang-up in between break ng kanyang serbisyo sa pinamumunuang progresibong Barangay Malamig.
Rumerepeke ang tunog ng mga nasasargong billiard ball habang inaantay ako sa kanyang magara at malamig na billiards practice room na papangaraping magkaroon ng ganoon ng lahat ng bilyarista.
“Oh Kuya'( tawag niya sa akin), nauna na ko sa iyo at ready na sa interview ” salubong na fistbump ng nakaguwantes na si Champ matapos isalansan ang 9-balls sa velvet table.”
State of the art talaga ang practice room mo kaya pala araw- araw walang mintis ang ensayo” bungad-papuri ko sa hinahangaan kong kampeon di lang sa sports kundi pati sa pagiging premyado niya bilang public servant.
Inabot niya sa akin ang isang magarang tako na di mo mabibili sa Raon o saan mang sports shop sa Kamaynilaan.Hawak ko pa lang ay feeling champ din ako. Sinenyasan niya akong sumargo at ang sabi niya.GAME NA!
Sa isip ko ay baka kaya niya ako pinasargo ay una’t huling tumbok ko iyon.Posible naman iyon kay Champ Marlon. Inayos ko ang aking face mask at sumipat pero tinanong ko na siya para sa unang salvo ng panayam.
“Champ, dapat lang ba na pahintulutan na ng IATF ang larong billiards na sumargo na rin tulad ng pagluluwag sa ibang sports?”
Isang malakas na sargo ang aking pinawalan .Kalat ang siyam na bola pero walang nasulingang butas.
“Dapat lang kuya na bumalik na sa aksiyon ang billiards at snooker lalo na hindi naman ito contact sport at ‘ matic na ang health protocol na ipinatutupad nila”, sagot ni Champ habang tinitisaan ang dulo ng kanyang mamahaling tako na mukhang uubusin ang bolang kalat (maliban sa dalawa)sa kanyang sipat.
Dikit ang dilaw na UNO at asul na DOS, one-ball sa pocket kaya magkasunod ang pasok at ganda ng preparasyon naman sa pulang TRES.Balewala at di istorbo sa asinta ang kanyang face mask.
“Tiyak na kinakalawang na ang ating mga magagaling na bilyarista at kailangan na ng totohanang laban sa mesa.Kahit na may mga sariling praktisan sa panahon ng lockdown ay iba pa rin iyong makalaban ang mga tirador at pool sharks para manatili ang level ng kumpetisyon at handang lumaban sa mga nakahanay na bakbakan sa new normal ng larangan ng palakasan.” sambit ni idol Kap habang sinusuri ang latag ng bola kung saan ay may problema (sa tingin ko)—dahil nakadikit sa banda ang dilaw na istrayp Nueve.
Halos kiss ball sa ubeng CUATRO na higit isang piye sa corner pocket na tsansa kong makatira pag nagkataon. Pininahan ng sobrang nipis ang red ball pasok sa side pocket at bumanda ang pamato pektos patungo sa striped yellow 9 upang pingkiin ito at mawala sa dikit habang lumugar naman ang motherball sa purple ball para sa easy pocket.
“Marami na tayong mga batang bilyarista na magagaling at potensyal na makapagbibigay ng karangalan sa bansa.Kailangan lang silang tuklasin sa maayos na programa ng mga lider ng ating NSA sa billiards at nariyan naman ang kalinga ng pamahalaan sa mga natatanging atleta ng bayan,” diin niya sa sunod kong tanong sabay sipat ang kahel na CINCO dahil nakaharang sa pocket ang itim na OTSO kahilera ang tsokolateng SIYETE at nasa bukana ng side pocket ang berdeng SAIS.
Tinumbok ni Champ ang orange ball diretso sa banda doblete patungong winning ball -9 pasok sa right corner pocket. Tapos ang boksing este bilyar habang ako ay mangha pa rin sa mahirap na tumbok na iyon na peanut lang kay Champ Marlon.
“Kailangan mamayagpag muli tayo sa billiards scene sa mundo.Iyong kanatatakutan tayo ng mga puti at singkit pagdating sa pool table.We must regain our glory days in billiards in the international competitions”, ani pa Manalo sabay ang elbow to elbow gesture matapos ang ‘Champ show.
Sa aking sapantaha sa kanyang tinuran ay kailangan ng tunay na pagbabago sa sistema at liderato ng NSA sa billiards at snooker. Iyong mga lider na may dedikayon para sa bansa.Walang pamumulitika, bata-bata system at may respeto sa kanilang mga atleta lalo na iyong mga nakapagbigay na ng karangalang dapat ay bayani ang turing at hindi iyong itatapon na lang at sinasabihang laos ang mga kampeon.
More Stories
All-time best ng PH bets naitala sa day 3 ng ICF World Dragon Boat C’ship… GOLD RUSH NG TEAM PILIPINAS!
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE
Angas ng Pinas sa Asian Kickboxing… ATLETA NI SEN. ‘TOL’ TOLENTINO HUMAKOT NG GINTO!