Patay ang isang dating kongresista matapos pagsasaksakin ng isang parking attendant dahil umano sa hindi pagbibigay ng barya sa Antipolo City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si dating United Movement Against Drugs (UMAD) Party-list Rep. Teodoro Lim, na nanungkulan noong 14th Congress mula 2009 hanggang 2010.
Base sa imbestigasyon, naganap ang karumal-dumal na krimen bandang alas-2:00 ng hapon noong Nobyembre 17 sa parking lot ng isang mall sa Antipolo City.
Sa kuha ng CCTV, makikitang pasakay na sana sa kanyang sasakyan ang dating mambabatas nang sundan siya ng suspek at pumasok din sa loob nito. Matapos ang pananaksak, nakita sa hiwalay na CCTV footage ang suspek na nagmamadaling tumakas sakay ng isang tricycle.
Nagawa pang magmaneho ni Lim patungo sa pinakamalapit na ospital upang humingi ng saklolo, ngunit binawian din siya ng buhay habang nilalapatan ng lunas dahil sa tinamong mga saksak.
Sa ikinasang follow-up operation ng mga awtoridad, natunton at naaresto ang suspek sa kanyang bahay sa bayan ng Angono, Rizal noong Nobyembre 20, tatlong araw matapos ang insidente.
Narekober mula sa kanya ang wallet at cellphone ng dating kongresista, pati na rin ang kanyang mga damit na puno pa ng mantsa ng dugo.
Sa presinto, ikinatwiran ng suspek na nagawa niya ang krimen dahil tumanggi umanong magbigay ng barya ang biktima.
Kasalukuyan nang inihahanda ng pulisya ang kaukulang kasong kriminal na isasampa sa korte laban sa naarestong suspek.
