Binanatan ng House Prosecution Panel ang kampo ng depensa sa nagpapatuloy na impeachment trial ng Pangalawang Pangulo, kasabay ng giit na bigo pa rin itong maipaliwanag ang umano’y P817 milyong unexplained wealth at mga undeclared property ng opisyal.
Sa press conference matapos ang ika-45 araw ng paglilitis, sinabi ni Lead House Prosecutor Rep. Gerville Luistro na sa kabila ng anim na testigong iniharap ng depensa, wala pa ring direktang tumutugon sa mismong akusasyon at tila pinatatagal lamang ang proseso.
“Hindi pa tumatama ang suntok, mukhang nililihis ang issue,” ani Luistro, sabay giit na nakatutok na ang prosekusyon sa Article 2 o ang usapin ng tagong yaman upang hindi masayang ang oras ng Senado sa ibang mahahalagang batas gaya ng 2027 national budget.
Ibinaling din ng prosekusyon ang atensyon sa mga transaksyon ng kumpanyang Kale 88—na iniuugnay sa Pangalawang Pangulo at sa asawa nito—batay sa mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ayon kay Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., nakatanggap ang naturang kumpanya ng humigit-kumulang P320 milyon na inward remittances mula sa China, kabilang ang isang state-owned company.
Ipinunto rin ni Luistro ang malaking pagkakaiba sa mga numero ng kumpanya: habang P208 milyon lamang ang idineklarang benta nito sa Board of Investments (BOI), umabot naman sa P770 milyon ang kabuuang transaksyon nito sa AMLC report at P319 milyon sa inward remittances.
Bukod dito, wala ring naipakitang dokumento mula sa Bureau of Customs (BOC) na magpapatunay na talagang nag-export ng mga produkto ang kumpanya.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Prosecution Adviser Robert Ace Barbers ang paulit-ulit na pag-atras ng depensa sa kanilang mga nakatakdang testigo, kabilang ang kinatawan mula sa Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM).
Hinala ni Barbers, posibleng inaatras ng depensa ang kanilang mga testigo dahil hindi handa ang mga ito o kaya’y iniiwasan ang matinding cross-examination mula sa panig ng prosekusyon.
