Tuloy-tuloy at walang patid ang paghahatid ng serbisyo publiko sa mga residente ng District 2 matapos matagumpay na isagawa ang lingguhang Barangay Caravan at PhilHealth YAKAP sa pangunguna ni Konsehal Alexander “Alex” V. Mangasar sa Caloocan City.
Ayon sa post ni Konsehal Mangasar sa kanyang opisyal na Facebook account, dinagsa ng mga residente ang nasabing programa na umarangkada sa Barangay 39, Zone 4 at sa Barangay 100, Zone 9 sa lungsod.
Bukod sa serbisyo ng PhilHealth para sa membership at benepisyo, nakapaloob din sa Barangay Caravan ni Mangasar ang iba’t ibang libreng serbisyo mula sa gobyerno at pribadong katuwang. Kabilang dito ang tulong mula sa Social Security System (SSS) at Pag-IBIG Fund, pati na rin ang libreng legal consultation kasama si Atty. Alora Mangasar.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang konsehal sa lahat ng nakiisa at tumulong upang maging matagumpay ang programa. Kabilang sa kanyang pinasalamatan ay si Caloocan City Mayor Dale “Along” Malapitan, ang PhilHealth Membership Section – PRO NCR North, City Health Office, at ang mga health workers mula sa Marulas, Barangay 120, at E. Rodriguez Health Centers.
Pinasalamatan din ni Mangasar ang suporta nina Punong Barangay Akong Ladera at ng konseho ng Brgy. 39, Dr. at Kagawad Jim Mataragnon, General Services Department ng Caloocan, Barangay 12 Logistics, Planet Pharmacy, Bagong Botika Pharmacy, Mangasar Fire and Rescue, at ang mga kawani ng kanyang opisina.
Alinsunod sa kanyang adbokasiyang “Serbisyong Tuloy-Tuloy, Walang Pinipili Kahit Sino,” tiniyak ni Konsehal Mangasar na magpapatuloy ang pagbaba ng mga serbisyo direkta sa mga barangay upang mas mapadali ang paglapit ng tulong sa mga Batang Kankaloo.
