NASA malubhang kalagayan ang 23-anyos na lalaki nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad si alyas “Ralph” sa harap ng Northshore Subdivision sa kanto ng Victoneta Avenue at Magsaysay St., Brgy. Potrero alas-7:20 ng gabi nang sumulpot ang naka-motorsiklong salarin sa kanyang harapan at agad naglabas ng baril saka sunod-sunod siyang pinaputukan.
Sa kabila ng tinamong mga tama ng bala, nagawang makatakbo ng biktima at makahingi ng tulong sa mga tao sa naturang lugar na dahilan para mabilis na tumakas ang suspek, sakay ng asul na Suzuki Skydrive, patungo sa hindi nabatid na direksiyon.
Isinugod naman ng mga nagmalasakit ang biktima sa Manila Central University (MCU) Hospital kung saan patuloy siyang ino-obserbahan ng mga doktor sanhi ng tinamong tama ng bala sa bahagi ng katawan.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril habang patuloy naman ang follow-up imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek na hinihinalang kilala ng biktima.
