Mariing tinutulan ng Student Council Alliance of the Philippines (SCAP) ang panukalang pagbabawal sa mga menor de edad na gumamit ng social media, kasabay ng giit na ang dapat sugpuin ay ang mga online predator at hindi ang access ng mga mag-aaral sa impormasyon.
Sa ginanap na press conference na may temang “Ban Predators, Ban Groomers, Not Learners,” ipinahayag ng mga leader student mula sa iba’t ibang unibersidad ang kanilang pangamba na ang naturang blanket ban ay maglilimita sa access ng kabataan sa mga edukasyonal na materyal, anunsyo ng mga iskolarsip, at mga akademikong diskusyon.
Inamin ni SCAP Under-Secretary-General Edrianna Villaruz ang mga panganib na kinakaharap ng mga kabataan online tulad ng cyberbullying, grooming, at mabilis na pagkalat ng maling impormasyon (misinformation). Subalit binigyang-diin niya na hindi masosolusyunan ng pagbabawal sa social media ang mismong ugat ng problema.
“If a predator is the problem, go after the predator. Don’t shut the door on millions of learners,” giit ni Villaruz.
Sa halip na ipatupad ang ban, nanawagan ang grupo sa pamahalaan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga online predator, mas mataas na pananagutan mula sa mga digital platform, at ang pagpapalawak ng mga programa para sa digital literacy.
Hinimok din ng SCAP ang mga mambabatas at mga ahensya ng gobyerno na isama ang boses ng kabataan sa pagbalangkas ng mga patakaran para sa kaligtasan sa internet, at pormal nang ibasura ang panukalang pagbabawal.
