Ipinaliwanag ng Department of Agriculture (DA) na isang “human error” o typographical error lamang ang dahilan ng natuklasang maling geolocational coordinates sa ilang proyektong Farm-to-Market Roads (FMR) sa pambansang badyet.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum, nilinaw ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa na napakaliit lamang ng porsyento ng may iregularidad sa mga talaan.
“Out of the 1,600-plus na FMR, walo lang naman po ‘yung may maling coordinates,” giit ni De Mesa. “It’s a typo error… Nung kinopy, kinut, tapos pinaste, naiwan ‘yung ‘1’. So nakuha lang ‘yung 4-point.”
Ipinaliwanag ng opisyal na sa pag-encode ng GPS coordinates mula sa degrees, minutes, and seconds patungong decimal points, ang bawat isang degree ay katumbas ng humigit-kumulang 111 kilometro, kaya malaki agad ang nagiging talon ng lokasyon sa mapa kapag naiwan ang kahit isang numero dahil sa mabilisang pagsusumite sa deadline.
Pinaalalahanan din ng kawanihan ang publiko na mas hihigpitan ang pagrepaso upang hindi na ito maulit.
“From here on, mas maghihigpit lalo na bago i-submit talaga, kailangan ma-double check,” dagdag pa ni De Mesa.
Samantala, suportado naman ng pribadong sektor ang layunin ng mga proyektong kalsada ngunit nagpaalala sa tamang paggamit ng mga ito.
“Ang farm-to-market road is to accelerate the delivery of agricultural products to the market. If there are no agricultural products to be delivered, you accelerate the development of housing, subdivisions, and commercial [areas],” pahayag ni Dr. Danny Fausto ng Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc. (PCAFI).
Binigyang-diin kapwa ng DA at ng PCAFI na nananatiling mahigpit ang ipinapatupad na batas laban sa iligal na reclassification o pagpapalit-gamit ng mga irrigated agricultural land upang matiyak na ang mga itatayong FMR ay magsisilbi lamang sa mga aktibong sakahan. (Ulat ni Mina Paderna)
