Nakiisa ang Senate majority bloc sa pagsusulong na matanggal ang mga tinaguriang “corruption-prone” items sa pambansang badyet para sa taong 2027 na inaprubahan ng Kamara, ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson.
“The majority of senators are rallying behind Senate finance committee chairman JV Ejercito’s efforts to cleanse the 2027 budget of unwarranted, whimsical, and corruption-prone items — all means all!” pahayag ni Lacson sa kanyang social media post.
Ayon pa kay Lacson, nakuha na ni Ejercito ang komitment mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na isusumite nito ang lahat ng sumusuportang dokumento para sa kanilang mga infrastructure project ngayong Martes, Nobyembre 3. Ang mga proyektong walang sapat at kailangang dokumento ay pormal na tatanggalin sa bersyon ng House-approved 2027 General Appropriations Bill (GAB).
Ito ay matapos ireklamo at i-flag ng mga budget advocacy group, kabilang ang People’s Budget Coalition (PBC) at BetterGovPH, ang halos 7,000 proyekto na nagkakahalaga ng ₱190 billion dahil wala itong mga nakapaskil na opisyal na project attachment sa HGAB.
Lumabas din sa hiwalay na pagsusuri ng Senado na dumatas ang bilang ng mga proyekto ng DPWH mula sa 11,420 sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) tungo sa 16,244 sa pinal na bersyon ng Kamara. Sa numerong ito, 6,271 ang mga bagong proyektong isiningit lamang ng mga mambabatas nang walang paunang pagsusuri o vetting mula sa executive branch.
Sinabi rin ni Lacson na iimbitahan ni Ejercito ang iba’t ibang civil society organization para magsilbing observers sa gaganaping bicameral conference committee deliberations hinggil sa badyet. Ipo-post at i-i-livestream din ang proseso para sa mas malinis at transparent na talakayan.
Nakatakdang talakayin ng Senado ang budget bill sa pagbabalik ng plenary session ngayong Nobyembre 9, habang inaasahan namang magsisimula ang mismong plenary debates sa Nobyembre 23.
