Mas pabor ang pamahalaan na makipagnegosasyon muna para sa pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa halip na sumugal sa isang marahas na operasyon na pwedeng magdulot ng malaking pinsala at pagbuwis ng maraming buhay.
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Ministerial Meeting on Transnational Crimes sa Makati City.
Ayon kay Remulla, ang pagtatangkang huliin ang dating pinuno ng Philippine National Police (PNP), na kasalukuyang pinaghahanap ng International Criminal Court (ICC), ay posibleng mag-udyok ng kaguluhan na tulad ng nangyari sa Marawi siege noong 2017 dahil sa banta ng pagsasamantala ng mga extremist groups.
“It could ignite something similar to Marawi, with extremist groups taking advantage of the situation. Look at what happened in Europe. It started with a youth protest involving 200 people in France. It grew to 10,000 because other groups joined in,” pahayag ni Remulla.
Binigyang-diin ng kalihim na bagama’t may mga legal na usapin at pangamba kung maituturing bang obstruction of justice ang pakikipagnegosasyon sa senador, mas mahalaga pa rin para sa pamahalaan ang maiwasan ang pagdanak ng dugo.
“In exchange for the possibility that as many as 10,000 people could die, I would rather negotiate first than risk the lives of Filipinos,” giit ni Remulla. “You don’t always solve problems with a hammer. Sometimes you solve things better in a more peaceful and humane way.”
Dagdag pa niya ukol sa isyu ng obstruction of justice: “Yes, but obstruction at the cost of body bags is not worth it.”
Nagbabala rin ang opisyal na may mga grupong posibleng magsamantala sa gulo upang patuloy na i-destabilize ang timog na bahagi ng bansa kung saan pinaniniwalaang nagtatago ang senador, lalo’t may malaking halaga umano ng salapi ang sangkot sa pagprotekta rito.
“And that’s what we’re trying to avoid — people taking advantage of the situation to make our region unstable. So we have to handle this delicately,” ani Remulla.
Samantala, inamin din ni Remulla na pinagsisisihan niya ang hindi pag-aresto kay Dela Rosa noong muli itong lumabas sa Senado noong Mayo 13 upang bumoto kay Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President.
“I should have arrested him then,” pag-amin ng kalihim.
Paliwanag naman niya, nirespeto lamang niya ang isang gentleman’s agreement kay Cayetano na walang gaganaping pag-aresto habang nasa ilalim ng kustodiya ng Senado ang senador.
