Magsasagawa ng isang blood donation drive ang Land Transportation Office–National Capital Region (LTO-NCR), sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross – Quezon City Chapter, sa darating na Oktubre 16, 2026.
Gaganapin ang naturang aktibidad na may temang “Drive to Save Lives!” sa lobby ng LTO-NCR Regional Office mula 8:00 ng umaga hanggang 3:30 ng hapon.
Layunin ng nasabing programa na makalikom ng dugong magagamit sa pagdugtong ng buhay ng mga pasyenteng nangangailangan, gayundin ang maghatid ng pag-asa at tulong sa pamayanan sa pamamagitan ng voluntary blood donation.
Inaanyayahan ng LTO-NCR at ng Philippine Red Cross ang publiko, mga empleyado ng ahensiya, at mga kwalipikadong nagpapanibago ng lisensya o nagpoproseso ng rehistro na makilahok at maging bahagi ng nasabing gawaing pangkawanggawa. (MINA PADERNA)
