Tapos na ang paglalatag ng 1,200-millimeter (mm) submarine transmission lines para sa East Bay Phase 2 project ng Manila Water.
Layunin nitong patatagin ang supply ng tubig at tiyakin ang tuloy-tuloy na serbisyo sa gitna ng banta ng matinding El Niño.
Ang natapos na underwater transmission system ay may kabuuang habang 31.5 kilometro sa ilalim ng tubig at nahahati sa dalawang pangunahing bahagi. Ang unang bahagi ay ang Central Bay Segment (Sub-Packages 2 at 3) na may habang 13.2 kilometro mula Jala-Jala, Rizal hanggang Binangonan Peninsula, na nagkakahalaga ng mahigit P2.4 bilyon.
Samantala, ang West Bay Segment (Sub-Packages 4 at 5) naman ay may habang 18.3 kilometro mula Binangonan Peninsula hanggang sa landing site nito sa Taguig City, na ginustuhan ng humigit-kumulang P3.3 bilyon.
Sa pamamagitan ng dalawang linyang ito, maidadala ang malinis na tubig mula sa East Bay Water Treatment Plant Phase 2 sa Pakil, Laguna patungo sa mga customer sa Taguig City at kalapit na mga lugar.
Binigyang-diin ni Dittie Galang, Head ng Manila Water Corporate Communications, ang kahalagahan ng proyektong ito para sa seguridad sa tubig ng mga mamamayan.
“Ang submarine transmission lines ay isang mahalagang bahagi ng East Bay Phase 2 project na mag-uugnay sa treated water mula Laguna Lake patungo sa mga komunidad sa aming service area. Ang pagtatapos nito ay malaking hakbang upang mapatibay ang ating matagalang seguridad sa tubig, lalo na sa paghahanda ng bansa sa epekto ng El Niño,” pahayag ni Galang.
Ang East Bay Phase 2 project ay bahagi ng patuloy na pamumuhunan ng Manila Water sa climate resilience at paghahanap ng mga bagong pinagmumulan ng tubig upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng publiko sa gitna ng mga panahon ng tagtuyot.
