Hiniling ng Beverage Industry Association of the Philippines (BIAP) at ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang mas malawakang diyalogo at masusing pagsusuri sa gitna ng mga panukalang batas na naglalayong magpatupad ng karagdagang buwis sa mga produktong may asukal o ang tinatawag na “sweet tax.”
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum, iginiit ni BIAP Representative Atty. Juan Lorenzo “Jorenz” Tañada na bagama’t nais ng kanilang sektor na maging katuwang ng pamahalaan sa paglutas ng mga isyu sa kalusugan, labis silang nababahala sa maaaring epekto ng labis na pagtaas ng buwis sa ekonomiya at sa mga manggagawa.
Aniya, mula sa kasalukuyang rate, posibleng umabot sa 233% ang itaas ng buwis sa ilang produkto, na may katumbas na karagdagang presyo na hanggang P21 kada bote.
Ayon pa kay Tañada, bagama’t may naitalang pagbaba sa konsumo ng mga naturang produkto noong nakaraang taon, tumaas pa rin ang kaso ng obesity.
Nagpapatunay lamang ito na hindi nag-iisa ang industriya ng inumin sa pinagmumulan ng problema sa kalusugan ng publiko.
“We want to be part of the solution,” giit ni Tañada, kasabay ng panawagan sa pamahalaan na pakinggan ang posisyon ng industriya upang maiwasan ang malaking pinsala sa supply chain at sa libu-libong trabahong nakasalalay dito.
Samantala, binigyang-diin naman ni Dr. John Paolo Rivera, Senior Research Fellow ng PIDS, na bagama’t may kaukulang layunin ang pamahalaan na pataasin ang kita sa pamamagitan ng revenue requirements at tugunan ang public health concerns, mahalagang balansehin ang mga patakaran upang hindi masagasaan ang purchasing power ng mga ordinaryong pamilya at ang sigla ng pagnenegosyo.
Paliwanag ni Rivera, ang mga isyu tulad ng obesity ay “multi-dimensional” at hindi lamang masosolusyunan sa pamamagitan ng pagpapataw ng buwis.
Aniya, kinakailangan ang mas malalim na ebidensya at koordinasyon upang matiyak na ang bawat patakaran ay magdudulot ng tunay na benepisyo sa kalusugan nang hindi direktang nagpapahirap sa iba pang sektor ng ekonomiya.
Patuloy namang nakatutok ang iba’t ibang stakeholder sa mga isinasagawang pagdinig sa Kongreso hinggil sa naturang usapin, habang patuloy na hinihimok ng mga negosyante ang pagpapatibay ng isang “stable at predictable” na environment para sa pagnenegosyo sa bansa. (Mina Paderna)
