Umabot na sa higit P19 bilyon ang naibalik ng Government Service Insurance System (GSIS) sa mahigit 700,000 miyembro nito sa buong bansa sa ilalim ng programang “Balik Ginhawa” nitong Agosto 31, 2026.
Ayon sa GSIS, naglalayon ang programa na magbigay ng agarang suportang pinansyal at karagdagang spending power para sa mga kawani ng pamahalaan.
Sa halimbawang binigay ng pondo, ang isang karaniwang empleyado na nagbabayad ng P20,000 kada buwan para sa amortisasyon ng pautang ay makakatipid ng hanggang P120,000 sa loob ng anim na buwang moratorium.
Ang naturang halaga ay magagamit ng mga pamilya para sa matrikula, gastusin sa bahay, gamot, pagkain, o pagkukumpuni ng tirahan.
“Ang Balik Ginhawa ay tungkol sa pagbabalik ng pera sa kamay ng ating mga miyembro upang sila ang magdesisyon kung saan ito pinakakailangan ng kanilang pamilya,” pahayag ni GSIS President and General Manager Wick Veloso.
Sumasaklaw ang naibalik na halaga sa halos 1.3 milyong loan contracts. Sa P19 bilyong kabuuang pondo, P8.9 bilyon ang nagmula sa unang phase ng Balik Ginhawa, habang P10.1 bilyon naman ang naipamahagi sa ilalim ng enhanced Balik Ginhawa 2.
Inaasahang malalampasan ng GSIS ang P20-billion mark bago magwakas ang programa sa Oktubre 31, 2026. Nagsimula ang unang bahagi ng programa noong Marso 1, 2026, habang inilunsad naman ang Balik Ginhawa 2 noong Hulyo 1.
Nilinaw ng pamunuan na ang natanggap na pera ng mga miyembro ay refund mula sa moratorium at hindi bagong utang.
Hinimok ni Veloso ang mga kwalipikadong miyembro na hindi pa nakakapag-apply na magpasa na ng aplikasyon bago ang nakatakdang deadline.
“Gusto naming makinabang ang bawat kwalipikadong miyembro. May panahon pa para mag-apply sa Balik Ginhawa 2 at hinihimok namin ang ating mga miyembro na huwag nang maghintay ng huling sandali. Ang pondo ng GSIS ay para sa ginhawa ng ating mga miyembro,” dagdag ni Veloso.
