Arestado ang isang 26-anyos na construction worker matapos nitong tangkaing saksakin ang kaniyang kapitbahay kasunod ng usapin sa pagbato sa bubong ng biktima sa Sitio Villa Ynares, Barangay Bagong Nayon, Antipolo City.
Kinilala ng Antipolo Component City Police Station ang suspek na si alias “Edmond,” habang ang biktima naman ay si alias “Ronaldo,” 35 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente noong gabi ng Agosto 29, 2026, humigit-kumulang 11:20 ng gabi. Nagsimula ang tensyon nang batuhin ng suspek ang bubong ng bahay ng biktima, dahilan upang lumabas ang huli para ireklamo ang pangyayari sa kanilang Sitio Chairman.
Habang nag-uusap sa kalsada ang biktima at ang Sitio Chairman, bigla na lamang sumulpot ang suspek at itinutok ang dalang patalim upang saksakin ang biktima. Mabilis namang nakaiwas ang biktima hanggang sa mawalan ito ng balanse at matumba sa lupa.
Agad na umawat ang Sitio Chairman upang maihiwalay ang dalawa at pinauwi muna ang mga ito.
Pagkatapos ng insidente, humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod (BPSO). Sa isinagawang follow-up operation ng mga tanod, mabilis na nadakip ang suspek at itinurn-over sa pulisya noong hapon ng Agosto 30. Walang na-recover na patalim mula sa suspek sa oras ng pag-aresto.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa PCP 2 Custodial Facility ng Antipolo City Police habang inihahanda ang kaukulang kasong Attempted Homicide laban sa kaniya.
