Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer nito na walang tingil ang trabaho ng mga crew ng kumpanya para ligtas na maibalik ang serbisyo ng kuryente sa mga naapektuhang customer dahil sa malakas na pag-ulan bunsod ng Habagat.
Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagsasaayos ng mga pasilidad ng kuryente sa Sta. Maria, Bulacan.
Batay sa pinakahuling datos nitong alas-4 ng hapon ngayon Agosto 30, nasa 49,000 na customer ang apektado ng mga antala sa serbisyo ng kuryente at halos kalahati ay nasa mga binahang lugar. Ang mga apektadong customer ay mas mababa sa 1% ng kabuuang bilang ng mga customer ng Meralco at karamihan sa kanila ay nasa bahagi ng Cavite, Bulacan, at Metro Manila.
“Walang tigil ang aming mga crew para matugunan ang mga alalahanin ng mga customer at maibalik ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na apektado ng Habagat. Humihingi kami ng pang-unawa sa aming mga customer dahil kinakailangan namin bigyang prayoridad ang kaligtasan habang nagpapatuloy ang mga restoration activity,” ani Meralco Vice President and Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
“Pinapaalalahanan rin namin ang lahat na umiwas sa mga naputol at nasira na linya at pasilidad ng kuryente na posibleng nalubog sa baha,” dagdag niya.
Para sa mga katanungan at alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.
