Muling binuksan ng Government Service Insurance System (GSIS) sa publiko ang makasaysayang Coconut Palace nitong Martes, Agosto 25, upang muling ipamalas ang sining, kultura, at natatanging arkitekturang Pilipino.
Matatagpuan sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex sa Lungsod ng Pasay, ang Coconut Palace o Tahanang Pilipino ay dinisenyo ng Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura na si Francisco “Bobby” Mañosa.
Kilala ang gusali sa malawak na paggamit ng mga katutubong materyales, partikular na ang iba’t ibang bahagi ng puno ng niyog.
Ayon kay GSIS President at General Manager Jose Arnulfo ‘Wick’ Veloso, ang pagbubukas ng pasilidad ay hindi lamang simpleng pagpapanumbalik ng isang pasyalan kundi isang paanyaya sa taumbayan na muling kumonekta sa pambansang pamana.
“The reopening of the Coconut Palace is more than the restoration of a historic landmark. It is an invitation for Filipinos and visitors alike to reconnect with our heritage, celebrate Filipino creativity, and appreciate the architectural and cultural legacy that continues to inspire generations,” pahayag ni Veloso.
Ipinatayo noong 1978 sa ilalim ng komisyon ng dating Unang Ginang Imelda Marcos, ginawa ang pasilidad bilang opisyal na tuluyan ng mga pambansang panauhin tulad ni Papa Juan Pablo II noong kanyang pagbisita noong 1981.
Bukod sa pagiging heritage landmark, gagamitin din ang Coconut Palace para sa mga pangkulturang programa, opisyal na pagtitipon, edukasyon, at turismo upang patuloy na maiangat ang pambansang pagkakakilanlan.
