NANAWAGAN si Caloocan City Second District Representative Edgar R. Erice sa Kongreso na seryosong pag-isipan ang pagtatatag ng isang tunay, demokratiko, at may pananagutang Metropolitan Government para sa Metro Manila upang mas epektibong matugunan ang patuloy na problema sa pagbaha, trapiko, solid waste, pabahay, at pagkasira ng kapaligiran.
Sa kanyang privilege speech na “Di Na Natuto: The Case for a Metropolitan Government for Metro Manila,” sinabi ni Erice na bagama’t iisang metropolis ang Metro Manila ay nanatili itong nahahati sa 16 na lungsod at isang musicilalidad na may magkakaibang prayoridad at pamamahala.
Ani Erice, hindi kinikilala ng mga problema tulad ng baha, polusyon, trapiko, at basura ang hanggang pampulitika kaya kailangan ng isang pinagsama-samang solusyon.
Binigyang-diin niya na ang panukalang reporma ay hindi naglalayong buwagin ang mga umiiral na lokal na pamahalaan ng Metro Manila. Sa halip, pananatilihin ng mga lungsod at munisipalidad ang kanilang pangunahing awtonomiya at patuloy na pamamahala ng mga tunay na lokal na alalahanin, habang ang mga problemang nangangailangan ng metropolitan-scale coordination ay tutugunan sa pamamagitan ng isang democratically accountable metropolitan government.
Sinabi ni Erice na ang isang Metropolitan Government ay maaaring bigyan ng malinaw na tinukoy na awtoridad sa metropolitan transportation and traffic management, major road networks, integrated flood control and drainage, solid-waste processing and final disposal, land-use planning, waterway rehabilitation, regional housing and resettlement, disaster-risk reduction, at environmental protection.
Sa ilalim ng kanyang panukala, isinusulong ni Erice ang isang Metropolitan Government na pamumunuan ng isang Metropolitan Governor na direktang inihalal at susuportahan ng isang Metropolitan Legislative Assembly, na may malinaw na awtoridad sa mga serbisyong nangangailangan ng koordinasyong rehiyonal.
“Hindi puwedeng ang solusyon natin sa baha ay kapag umuulan lang. Hindi puwedeng ang solusyon sa basura ay kapag nakalutang na sa Manila Bay. Hindi puwedeng ang solusyon sa traffic ay magdagdag lamang ng traffic enforcers,” aniya.
“Panahon nang matuto. Panahon nang tigilan ang pamamahalang puro remedyo,” dagdag niya.
Sinabi pa ng mambabatas na layun nitong hindi lamang ang paglutas sa mga problema tulad ng pagbaha, basura, o trapiko, kundi ang pagbabago sa watak-watak na sistema ng pamamahala na nagpahintulot sa mga problemang ito na magpatuloy sa loob ng ilang dekada. (JUVY LUCERO)
