Binatikos ng Bai Indigenous Women’s Network ang pahayag ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President at CEO Joshua Bingcang hinggil sa usapin ng lupa sa kontrobersyal na proyektong “Pax Silica.”
Ito ay matapos igiit ni Bingcang na nakatitulo sa BCDA ang lupain bilang “public land” at walang hawak na ancestral domain title ang mga residenteng naninirahan dito.
Sa pahayag ni Kim Falyao, National Coordinator ng Bai Indigenous Women’s Network, mariing nitong pinasinungalingan ang prayoridad ng BCDA at iginiit na mapapalayas ang mga katutubong Ayta at magsasaka dahil sa naturang proyekto at sa diumano’y panghihimasok ng Estados Unidos.
“Kahit ilang beses mo pa baliktarin ang mundo, may mga Ayta at magsasaka pa ring mapapalayas dahil sa Pax Silica. Bago ka pa isilang, bago pa mabuo ang BCDA, bago pa itayo ang US Bases, nariyan na ang mga Ayta,” giit ni Falyao.
Binigyang-diin din ng grupo na ang pagiging “public land” ng isang lupain ay nangangahulugang dapat itong pakinabangan ng mamamayang Pilipino at hindi ng dayuhang gobyerno ng US.
