Hinimok ng Senate Impeachment Court ang publiko na mas magpokus sa mga inihaharap na ebidensya at argumento sa legal na proseso sa halip na ituon ang pansin sa mga pagbabago sa iskedyul ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald “Regie” Tongol, itinuturing na maliit na bagay lamang ang usapin sa oras o iskedyul kumpara sa mismong mga isyung nililitis sa hukuman.
“’Yung pag-uusap regarding sa schedule is such a small and mini matter compared to what is really before the impeachment court,” pahayag ni Tongol sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
“Dapat ang mas pinag-uusapan ng taong-bayan are the evidence really being presented pati ‘yung mga legal theories ng magkabilang panig,” dagdag pa niya.
Ayon kay Tongol, tila unfair para sa impeachment court na malimitahan lamang sa usapin ng usad at oras ang pampublikong diskurso matapos itong maging dahilan ng mga ulat kamakailan.
Ilan sa mga pangunahing isyu ngayon sa impeachment court ay ang pag-prisenta ng ebidensya para sa Article I ng reklamo, ang paglalabas ng desisyon kaugnay ng sub judice rule, ang tugon ng private prosecutor na si Armando Ligutan sa pahayag ng lead counsel ni Duterte na si Sheila Sison, at ang pagtukoy sa iba pang kailangang ihain ng dalawang panig upang mapatunayan ang kani-kanilang argumento.
Nakasaad sa Article I ng reklamo ang diumano’y sistematikong maling paggamit at iregular na pag-liquidate ng P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyong pondo sa Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim ng kagawaran.
Nauuna nang inihayag ng House prosecution panel na pabor sila sa pagsisimula ng paglilitis mula alas-3:00 ng hapon pataas, habang nangako naman ang defense team ni Duterte na susunod sila sa anumang pagbabagong ipatutupad ng lupon.
Sa kasalukuyan, isinasagawa ang trial mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-2:00 o alas-2:30 ng hapon upang magbigay-daan sa regular na plenary session ng Senado sa ganap na alas-3:00 ng hapon.
Samantala, inaasahang maglalabas ng desisyon ang lupon kaugnay ng mga pahayag sa pampubliko at social media ng mga abogdong sangkot sa kaso.
Ayon kay Tongol, itinuturing na “moving resolution” ang desisyon habang binibigyan ng pagkakataon si Atty. Ligutan na magsumite ng kanyang panig kaugnay ng manifestation ni Atty. Sison.
Magugunitang inihayag ni Presiding Officer at Senate President Sherwin Gatchalian na naghahanda na ito ng babala kaugnay ng mga social media post na lumalampas na sa limitasyon. Kasunod ito ng reklamo ng kampo ng Bise Presidente ukol sa post ni Ligutan hinggil sa paggamit ng mga misleading questions sa loob ng korte.
Sa huli, nanawagan si Tongol sa publiko na maging matiyaga at maingat sa mga nakikitang balita sa internet.
“Huwag tayong kumalas, huwag tayong mainip dahil ang proseso ng isang trial, more than anything, kahit na nakikita niyong mabagal, ito po ay pagpapalabas ng katotohanan,” apela ni Tongol.
Hinimok din niya ang mga netizen na sumubaybay lamang sa mga credible news outlets na may maayos na fact-checking at pamantayang etikal.
