Maaaring umabot pa hanggang kalagitnaan ng Pebrero ng susunod na taon (2027) ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte batay sa umiiral na timeline ng proceedings, ayon sa pahayag ni Impeachment Court Spokesman Atty. Reginald Tongol.
Sa isang panayam, ipinaliliwanag ni Tongol na nakadepende ang bilis ng pagdinig sa mga ihaharap na witness at ebidensya ng prosecution at defense.
May 27 witness ang nakatala sa House Prosecution Panel—kabilang si Col. Raymund Dante Lachica—at kailangang bigyan ng sapat na pagkakataon ang magkabilang panig upang masunod ang legal na proseso o due process.
Gayunman, nilinaw ng tagapagsalita na maaari lamang mapabilis ang pagdinig kung magkakaroon ng kasunduan o stipulations ang prosecution at defense na bawasan o i-streamline ang pagharap ng kanilang mga saksi.
Iginiit din niya na ang pangunahing layunin ng Impeachment Court ay lumabas ang katotohanan sa halip na basta na lamang tapusin nang mabilis ang paglilitis.
