Isang non-uniformed personnel (NUP) ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang nasawi matapos barilin ng riding-in-tandem sa kahabaan ng national hi-way sa Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Sabado ng umaga, Agosto 22, 2026.
Kinilala ang biktima na si Jonathan A. Juan habang papasok sa kaniyang duty sa Sultan Kudarat Municipal Police Station.
Ito na ang ikalawang insidente ng pamamaril sa lalawigan sa loob lamang ng 48 oras.
Noong Biyernes ng umaga, binaril din habang kumakain sa karinderya sa Datu Odin Sinsuat ang 68-anyos na biyuda na si Tarhata Samad na agad nitong ikinasawi, habang sugatan naman ang kasama nitong si Suraya Ali, 47.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa dalawang magkahiwalay na atake.
Naganap ang mga krimen sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng gun ban kaugnay ng nalalapit na Bangsamoro parliamentary elections.
Mariing kinondena ni PRO-BAR Regional Director Brig. Gen. Christopher Abecia ang karahasan at nakiusap sa mamamayan na makipagtulungan sa pulisya.
Para sa mga opisyal na advisory at impormasyon hinggil sa mga patakaran sa halalan, sumangguni sa COMELEC Portal.
