Photo: Office of the Executive Secretary/Facebook
Nananawagan si Executive Secretary Ralph Recto sa publiko at sa mga lokal na pamahalaan (LGU) na magkaroon ng kultura ng disiplina sa pagtatapon ng basura upang maiwasan ang malawakang pagbaha sa bansa.
Ayon kay Recto, “all-out” ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagki-clear at pag-de-clog ng mga estero, ilog, at drainage systems kasabay ng pagpapalakas ng solid waste management.
“Kailangan nating magkaroon ng malawakang pagpapalaganap ng kultura ng disiplina. Sabi nga natin dati, ang basurang itinapon mo nang hindi wasto, babalik din sa iyo,” pahayag ni Recto.
Sa ginanap na pagpupulong ng mga pangunahing ahensya ng gobyerno at mga kinatawan ng LGU nitong Agosto 20, binigyang-diin ni Recto na ang mga komunidad ang nagsisilbing “first line of defense” laban sa baha at kalat.
“Lumalabas sa aming pagpupulong na walang garbage crisis sa Metro Manila, pero may krisis sa hindi wastong pagtatapon ng basura,” giit ni Recto. “Ang mensahe ng Pangulo ay malinaw: isa itong suliranin na kailangan ng whole-of-society approach, kasama ang ating mga mamamayan.”
Paliwanag pa ng opisyal, dapat maputol ang daloy ng basura habang nasa komunidad pa lamang dahil kapag ginawang basurahan ang mga kanal at kalsada, nagiging “expressway” ng basura ang mga ilog patungo sa Manila Bay kapag bumuhos ang malakas na ulan.
“Ang Manila Bay ay hindi inidoro ng plastic. Kung gaano kaganda ang sunset dito, ganoon naman kalala ang makikita mong basura na galing sa iresponsableng pagkakalat,” dagdag pa niya.
Hinimok din ni Recto ang mga Pilipino na ipamalas sa sariling bayan ang disiplinang ipinapakita kapag nasa ibang bansa, tulad ng pagsunod sa oras ng koleksyon, paghihiwalay (segregation), at tamang pagtatapon ng dumi.
Kabilang sa mga patuloy na isinasagawa sa ilalim ng Oplan Kontra Baha ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga LGU, ang clearing, declogging, at desilting sa mga daluyan ng tubig.
Tinitiyak din na gumagana ang mga pumping station at may sapat na pasilidad para sa paghahakot at pagtatapon ng basura.
Bukod dito, pinag-aaralan na rin ang paglalaan ng bahagi ng National Tax Allotment (NTA) ng mga LGU para sa mga proyekto sa solid waste management, gayundin ang pagtataguyod ng Cleanest Barangay Program para bigyang-insentibo ang mga namumukod-tanging barangay.
Ipinapalawak din ang pagkakabit ng trash traps, Bayanihan sa Estero o TUPAD program, Estero Rangers, Environmental Monitoring Officers, Adopt-an-Estero Program, at ang pagbili ng mga kagamitan sa solid waste management para sa 16 na LGU.
Dumalo sa nasabing pagpupulong sina DENR Secretary Mitch Cuna, DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, DPWH Undersecretary Charles Calima Jr., at MMDA Chairman Romando Artes. Nakiisa rin sina Laguna Lake Development Authority Acting General Manager Leopoldo Parumog, League of Cities of the Philippines President Mayor Francis Zamora, at League of Municipalities of the Philippines President Mayor Inno Dy.
