Inianunsyo ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na nilimitahan muna nito ang mga walk-in admission sa kanilang Emergency Room (ER) matapos maabot ang full bed capacity dahil sa pagdagsa ng mga pasyente, kabilang ang patuloy na pagtaas ng kaso ng leptospirosis.
Ayon sa abiso ng NKTI na inilabas nitong Linggo, bibigyang-prayoridad lamang muna ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal at kritikal na pangangalaga.
“Upang bigyang-prayoridad ang mga pasyenteng nangangailangan ng emergency care at admission, ang mga walk-in admission ay sasailalim sa limitasyon hanggang sa susunod na abiso,” pahayag ng ospital.
Pinayuhan naman ang mga pasyenteng may nakatakdang elective o non-emergency admission na makipag-ugnayan muna sa kanilang mga attending physician. Hinihikayat din ng ospital ang publiko na lumipat sa ibang pasilidad pangkalusugan na may libreng kama upang maiwasan ang matagal na paghihintay.
Nagpaabot din ng paumanhin ang pamunuan ng NKTI sa anumang abalang naidulot nito at nagpasalamat sa pag-unawa ng publiko.
Kaugnay nito, nagtaas na ng Code White alert ang Department of Health (DOH) kamakailan habang mahigpit na binabantayan ang posibleng pagdami ng kaso ng leptospirosis kasunod ng malawakang pagbaha na dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
“Kahit walang nararamdamang sintomas, kung ikaw ay lumusong sa baha o na-expose sa putik, magpatingin agad sa pinakamalapit na health center o doktor sa loob ng 24 hanggang 48 oras upang masuri ang antas ng peligro at makatanggap ng angkop na gamot o prophylaxis,” paalala ng DOH.
Ang leptospirosis ay isang impeksyong dulot ng Leptospira bacteria na nagmumula sa tubig na nahaluan ng ihi ng may sakit na daga.
Maaaring mabuhay ang bakteryang ito sa tubig o lupa nang ilang linggo hanggang ilang buwan.
Maaaring makakuha ng leptospirosis ang isang tao sa paglusong sa baha o paghawak sa putik matapos ang baha, may sugat man o wala, sa pamamagitan ng direktang pagdikit sa balat.
Nananatili itong malaking banta sa kalusugan ng bansa, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan mula Hunyo hanggang Nobyembre. Tinatayang 10 hanggang 15 porsiyento ng mga nagkakasakit nito ang namamatay.
Kadalasan, nakararanas ang mga pasyente ng magaan na sintomas na hawig sa trangkaso tulad ng lagnat, pagsakit ng ulo, pangangatog, pananakit ng katawan o kalamnan, pagmumutla o pagdidilaw ng balat at mga mata, pati na rin ang pagpapasuka o pagduduwal.
Maaaring lumabas ang mga sintomas sa loob ng dalawa hanggang 30 araw matapos ma-expose sa tubig-baha, ngunit karaniwang napapansin sa loob ng pito hanggang 14 araw.
Ayon pa sa mga eksperto, humigit-kumulang 5 porsiyento ng mga kaso ang lumalala at nagiging sanhi ng matinding komplikasyon tulad ng Weil’s syndrome, na maaaring humantong sa pagkasira ng bato (kidney failure) at pagdurugo ng baga (lung hemorrhage).
