Posibleng sampahan ng kasong subornation of perjury sina detained Sen. Rodante Marcoleta at dating Rep. Mike Defensor dahil sa diumano’y pagtuturo (coaching) sa naging testimonya ng dating Marine na si Orly Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee, ayon kay Sen. Ping Lacson.
Paliwanag ni Lacson, makikita sa pagkakasunod-sunod ng mga kaganapan sa pagdinig ng komite na malinaw na ginabayan o tinuruan ni Marcoleta si Guteza sa kung ano ang dapat isama sa salaysay nito kaugnay ng mga alegasyon ng paghahatid ng maleta-maletang pera sa ilang opisyal, kabilang na si dating Speaker Martin Romualdez.
“Kung titingnan natin ang ebidensya at ang takbo ng mga pangyayari, malinaw na noong pagdinig sa Blue Ribbon, kino-‘coach’ ni Marcoleta si Guteza. Kaya si Marcoleta ay isa sa mga posibleng makaharap ng reklamo para sa subornation of perjury,” pahayag ni Lacson.
Dagdag pa ng senador, mismong si Romualdez, na idinawit sa mga orihinal na pahayag ni Guteza, ang maaaring maghain ng reklamo laban kina Marcoleta at Defensor.
Binigyang-diin din ni Lacson na maaari ring magkusa ang Department of Justice (DOJ) at ang Office of the Ombudsman na magsagawa ng paunang imbestigasyon (preliminary investigation) hinggil sa posibleng paratang ng perjury laban sa mga taong nasa likod ng testimonya ni Guteza, dahil ang pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa (under oath) ay itinuturing na isang pampublikong krimen.
“Maaaring magsimula ang Office of the Ombudsman at ang DOJ ng paunang imbestigasyon para sa perjury laban sa mga sangkot, kabilang ang mga taong nasa likod nila,” dagdag pa ni Lacson.
