Tinuligsa ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio nitong Linggo ang Executive Order (EO) No. 122 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na naglalayong bumuo ng polisiya para sa pagpapaunlad ng critical minerals sector sa bansa.
Ayon sa mambabatas at House Deputy Minority Leader, ang nasabing utos ay itinuturing na “kumpletong pagsuko” (wholesale surrender) ng yaman sa mineral ng Pilipinas sa mga dayuhang korporasyon.
Binigyang-diin ni Tinio na ang EO No. 122 ay magdudulot ng malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubong mamamayan, at maaaring magtali sa Pilipinas bilang tagatustos lamang ng murang raw materials para sa ibang bansa.
“Sa kabila ng mga matatayog na pananalita ukol sa industriyalisasyon at value-adding, ang katotohanan ay ibinababa ng EO 122 ang Pilipinas bilang pinagmumulan lamang ng murang raw minerals para sa global green technology value chain, habang ang ating mamamayan ang nagpapasan ng pinsala sa kalikasan at dislokasyon,” pahayag ng mambabatas.
Sa ilalim ng utos ng Pangulo, inaatasan ang gobyerno na isulong ang exploration, development, processing at paggamit ng mga kritikal na mineral kasabay ng pag-imbita ng pamumuhunan sa mga produktong ginagamit sa advanced manufacturing, renewable energy, baterya, at electronics.
Gayunman, iginiit ni Tinio na ang mga malalaking kumpanya lamang at dayuhang korporasyon ang tunay na makikinabang dito.
“Kukunin nila ang ating mga kritikal na mineral, i-e-export bilang raw materials, at iiwang sirak-sira ang ating kalikasan at displaced ang ating mamamayan. Hindi ito industriyalisasyon — ito ay pagnanakaw (plunder),” dagdag pa ni Tinio.
Iniugnay rin ng mambabatas ang EO sa US-led Pax Silica initiative na sinalihan ng Pilipinas noong Abril, na naglalayong palakasin ang kapangyarihan ng Amerika at ng mga alyado nito sa larangan ng artificial intelligence laban sa Tsina.
Ayon kay Tinio, ang mga probisyon sa EO para sa mabilis na pagpapatibay ng permit at pagdedeklara sa mga proyekto ng mineral bilang national priority projects ay gagamitin lamang para pasimulan ang mga tulad ng Pax Silica upang patahimikin ang pagtutol ng mga komunidad at laktawan ang awtoridad ng mga lokal na pamahalaan.
“Hindi natin pwedeng payagan na ang ating bansa ay gawin lamang na minahan (quarry) para sa mga dayuhang industriya,” giit ni Tinio.
Hinihimok din niya ang pagbuo ng isang tunay na pambansa at makataong pambansang polisiya sa pagmimina na magbibigay-prayoridad sa lokal na industriyalisasyon at magtatanggol sa karapatan ng mga magsasaka at katutubo.
Ang Pilipinas ay may tinatayang $170 bilyong halaga ng nickel deposits—isa sa pinakamalaki sa Timog-Silangang Asya—na ang karamihan ay iniluluwas sa ibang bansa bilang raw ore.
