INABOT ng mahigit apat na oras ang pangho-hostage ng 47-anyos na security guard sa 13-anyos na kapitbahay at kasamahang guwardiya na kanyang ka-boardmate sa Caloocan City, Sabado ng umaga.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code o Kidnapping and Serious Illegal Detention ang suspek na si alyas Erine.
Sa ulat, unang hinostage ng suspek ang menor-de-edad na kapitbahay na si alyas MRT habang armado ng patalim dakong alas-7:50 ng umaga sa loob ng isang bahay sa Block 78 Lot 3 Purok 1 Kawal St., Brgy., 28 at hiniling na mabigyan siya ng P9,500 pasahe pabalik sa Iloilo at makausap ang kanyang pamangkin na si alyas “Makmak”.
Nang lapitan at tangkaing kausapin ng kanyang kapuwa sekyu at ka-boardmate na si alyas Ervin ang suspek, pati siya ay pinigilang makalabas at hinostage na rin ng suspek.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa pangunguna ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth na siyang nakipag-negosasayon sa suspek hanggang tuluyang makumbinsing sumuko alas-12:00 ng tanghali matapos maibigay ang hinihinging salapi at isuko ang ginamit na patalim..
Ligtas namang nasagip ng pulisya si alyas Ervin at ang menor-de-edad na biktima na nagtamo ng kaunting sugat sa gitnang daliri at daliri sa paa.
Ayon sa kapatid na babae ng suspek, apat na araw na tuloy-tuloy na duty ang suspek na walang tulog at kulang sa pagkain kaya’t nakaranas ng depresyon.
Hindi rin umano pinasahod ng dating security agency ang suspek kaya’t hindi makauwi ng kanilang lalawigan sa Iloilo. (JUVY LUCERO)
