Aminin natin mga ka-Berdugo, para sa mga negosyante, self-employed, at mga ordinaryong manggagawa—ang salitang “tax deadline” ay katumbas ng stress.
Karera laban sa oras, takot sa penalty, at kalituhan sa mga forms. Pero paano kung ang gobyerno mismo ang magpaalala sa’yo, hindi para manakot, kundi para umalalay?
Isang magandang balita para sa bansa. Kamakailan lang, noong Hulyo 9, kinilala sa Singapore ang Bureau of Internal Revenue o BIR!
Nasungkit nila ang Digital Initiative of the Year – Finance Award sa prestihiyosong GovMedia Awards 2026.
Bakit? Dahil sa kanilang BIR Interactive Digital Tax Calendar at ang Large Taxpayers Service portal.
Ito ‘yung mga digital platforms na ginawa para hindi na mangapa ang mga taxpayer sa kanilang mga obligasyon.
Sabi nga ng abogado at kolumnistang si Atty. Marlonfritz Broto sa kanyang social media post, ang parangal na ito ay hindi lang basta plake sa pader. Ito ay nagsisilbing salamin ng tunay na layunin ng institusyon.
Masyadong teknikal ang buwis. Puno ng batas at parusa. Pero sa pamamagitan ng digital calendar na ito, binabago ng BIR ang laro. Mula sa komplikado, ginagawa itong gabay. Mula sa takot, ginagawang paalala. Sabi nga, ito ay hindi lang tagumpay ng teknolohiya, kundi isang “act of public empathy”—pagpapakita ng malasakit sa publiko.
BASAHIN: Middle class ang sumasalo sa parusa ng buwis
“To our taxpayers: the Interactive Digital Tax Calendar… is for you—to make your tax compliance easier, our rules clearer, and your transactions with the BIR simpler,” ayon kay BIR Commissioner Mendoza.
Sa isang panel discussion sa Singapore, naging malinaw ang mensahe mga ka-Berdugo. Ang digital transformation ng gobyerno ay nagiging tama lang kung ito ay nagsisimula sa kapakanan ng mamamayan at nagtatapos sa mas magandang serbisyo. Magiging makabuluhan lang ang teknolohiya kung nagpapagaan ito ng dalahin ng tao.
Ang proyektong ito ay bahagi ng mas malawak na BIR DARES reform agenda sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Mendoza.
Ang target? Sa taong 2028, ang BIR ay hindi lang basta digital, kundi pinatatakbo ng mga kawaning may integridad, na nagbibigay ng serbisyong world-class. Isang kultura kung saan ang pagbabayad ng buwis ay maluwag sa loob dahil malinaw, patas, at may tiwala sa system.
Sa huli mga ka-Berdugo, ang tunay na sukatan ng parangal na ito ay wala sa Singapore. Wala sa mga ulat o opisina. Ito ay mararamdaman sa araw-araw na karanasan ng bawat Juan at Maria na naghahanap-buhay.
Isang malaking hakbang ito para sa BIR—mula sa pagiging taga-singil, patungo sa pagiging kaagapay sa pag-unlad. Isang patunay na kapag ang gobyerno ay nakikinig at nagbabago, ang tiwala ng bayan ay muling nababawi.
