Inilipat nitong Hulyo 7, ang panibagong batch ng 500 Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Lungsod ng Muntinlupa, kasama ang 100 babaeng PDL mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong, patungo sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF).
Inanunsyo ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ang mga inilipat na preso ay mahigpit na binantayan ng 150 custodial personnel mula sa dalawang pasilidad upang matiyak ang ligtas, secure, at maayos na biyahe. Ang mga babaeng PDL ay itatalaga sa sangay ng CIW na matatagpuan sa loob mismo ng compound ng DPPF.
Ayon sa pamunuan, ang malakihang paglilipat na ito ay bahagi ng patuloy na decongestion program ng BuCor upang maibsan ang matagal nang problema ng overcrowding o labis na siksikan sa pambansang bilangguan sa Bilibid.
Bukod dito, ang hakbang ay paghahanda na rin ng kawanihan para sa tuluyang pagpapasara sa NBP sa mga susunod na taon.
BASAHIN: BuCor, pinayagan ang mga pamilya ng biktima na makita si Palparan sa Bilibid
Binigyang-diin ni Catapang na nakatutok ang ahensya sa swabeng transisyon ng mga bilanggo habang pinapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa bawat operasyon.
Inihayag din ng BuCor ang kanilang plano oras na tuluyan nang maisara at mabakante ang NBP.
Target ng ahensya na parentahan ang malawak na mixed-use property sa Muntinlupa kung saan kasalukuyang nakatayo ang piitan. Inaasahan na ang proyektong ito ay magpapasok ng malaking kita para sa pamahalaan at magagamit upang pondohan ang modernisasyon ng corrections system sa buong bansa.
