Photo: PNA
Wala nang babayarang transfer fees ang mga kliyente ng Bank of the Philippine Islands (BPI) para sa kanilang mga interbank transaction o pagpapadala ng pera sa ibang bangko gamit ang InstaPay at PESONet simula Hulyo 1.
Ayon sa BPI, sakop ng libreng serbisyo ang mga fund transfer na isasagawa gamit ang BPI app, BPI Online, VYBE, BanKo, at BizKo.
Inihayag ng bangko na ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang inisyatiba na gawing mas inclusive at abot-kaya ang banking para sa lahat ng Pilipino.
“Inaasahan namin na hihikayatin nito ang mas madalas na paggamit ng digital transfers dahil hindi na kailangang isipin pa ng mga customer ang gastos sa bawat transaksyon. Pinapagaan nito ang pang-araw-araw na pagbabayad,” pahayag ni BPI President at Chief Executive Officer TG Limcaoco.
Upang mapakinabangan ang libreng transfer, kailangan lamang i-update ng mga gumagamit ang kanilang mga aplikasyon sa pinakabagong bersyon. Inaasahang may 9.5 milyong app users ang makikinabang sa bagong patakarang ito.
Ang naging desisyon ng BPI ay kasunod na rin ng kautusan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga bangko na tapyasin o ibaba ang kanilang interbank fees.
Sa pinakahuling sirkular ng BSP, iginiit nito na ang singil para sa mga person-to-person e-payments sa pagitan ng magkakaibang bangko, e-wallet operators, at iba pang payment service providers ay hindi dapat nagkakalayo sa singil na ipinapataw sa loob ng parehong institusyon.
Samantala, malugod namang tinanggap ni Finance Secretary Frederick Go ang naging hakbang ng BPI.
“Nakakataba ng puso na makita ang isa sa mga pangunahing bangko sa bansa na sumusuporta sa ating iisang layunin na bumuo ng mas inklusibong digital economy, kung saan ang bawat Pilipino ay maaaring makinabang sa mas malawak na access sa mga serbisyong pinansyal,” pahayag ni Go sa isang pahayag. (LIMUEL TOLENTINO)
