Upang higit pang palakasin ang napapanatiling pamamahala sa basura at magsanay ng mga ekspertong manggagawa sa kalikasan, pormal na inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Pamahalaang Lungsod ng Naga, at Coca-Cola Far East Limited (CCFEL) Philippines ang Solid Waste Management Operations (SWMO) Level III Training Program.
Ang paglulunsad ay pinagtibay sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na ginanap sa Naga City Sanitary Landfill Facility nitong nakaraang Hunyo 17.
Pinangunahan nina TESDA Secretary Kiko Benitez, Naga City Mayor Maria Leonor Robredo, at Coca-Cola Philippines Senior Director para sa Public Affairs, Communications and Sustainability Maria Christine Ponce-Garcia ang nasabing okasyon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Sec. Kiko ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na kakayahan sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga umuusbong na hamon sa kalikasan.
BASAHIN: 10M Pinoy, target selyuhan ng TESDA sa world-class skills
“Ang pagpapanatili ng kalikasan ay nagsisimula sa mga pinalakas na komunidad na may tamang kasanayan. Sa pamamagitan ng kasunduang ito, naghuhubog tayo ng mga mahuhusay na manggagawa na mamumuno sa lokal na pamamahala ng basura, magtataguyod ng circular economy, at tutulong sa pagbuo ng mas malinis, mas luntian, at mas matatag na mga komunidad,” ani Secretary Benitez.
Sa ilalim ng kasunduan na ipatutupad sa ilalim ng Trash Free Pilipinas (TFP) Program, sasalubungin ng programa ang unang batch ng 25 barangay at environmental officers mula sa Naga City.
Sakop ng nasabing pagsasanay ang pagpaplano at pamamahala sa mga operasyon ng solid waste, pangangasiwa sa mga tauhang nagtatrabaho sa waste management, at pagpapatupad ng kaligtasan sa trabaho, kalusugan, at mga gawaing pangkalikasan. Kasama rin sa ituturo sa programa ang pamamahala ng mga mapagkukunan (resources) at ang pagpapalakas ng pamumuno at komunikasyon sa lugar ng trabaho.
Isasagawa ang mga aktwal na pagsasanay sa Naga City Sanitary Landfill Facility upang makakuha ng hands-on na karanasan ang mga kalahok sa pamamahala ng basura at resource recovery.
Ito ay pamumunuan ng mga tagapagsanay mula sa Camarines Sur Institute of Fisheries and Marine Sciences.
Para sa kanyang bahagi, ipinahayag naman ni Mayor Robredo ang buong suporta at commitment ng lungsod sa pagsusulong ng mga inisyatiba sa kalikasan sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan sa TESDA at mga katuwang nitong sektor.
Binigyang-diin naman ng CCFEL Philippines ang mahalagang papel ng pagkakaisa sa pagitan ng pambansang pamahalaan, lokal na yunit, at pribadong sektor upang makabuo ng mas napapanatiling komunidad.
Ang proyektong ito ay tumutugon din sa vision ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kasanayang may kaugnayan sa industriya na nag-aambag sa mas malakas na lokal na pamamahala at national development.
