Photo: Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas/Facebook
Nahaharap sa matinding pambabatikos ang isinasagawang Olongapo Solar Power Project ng Aboitiz Renewables Inc. matapos lumabas sa isang environmental investigation na nilabag umano nito ang karapatan ng mga katutubong Ayta at nanalasa sa kalikasan ng Bundok Balimpuyo.
Ayon sa mga grupong tanggol-kalikasan tulad ng Katribu, Pamilalamu, at AGHAM, na nagkasa ng imbestigasyon noong Mayo 28 hanggang 30, hindi “dalisay” ang pagpayag na nakuha mula sa mga komunidad ng Ayta Amianan at Ayta Ambala. Taliwas umano ito sa prosesong Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) na itinatadhana ng Indigenous Peoples Rights Act of 1997 (IPRA).
Giit ng mga grupo, pinagsamantalahan ng korporasyon ang mga katutubo sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ilang piling lider at indibidwal lamang upang maipasa ang proyekto.
“Residents shared that the project was not properly explained to them, its potential impacts were not adequately disclosed, and it was primarily presented as a development initiative that would bring benefits,” saad ng Katribu sa kanilang pahayag.
Bukod sa iregularidad sa konsent, nabunyag din sa imbestigasyon na ginipit umano ng Aboitiz Renewables ang mga katutubo upang ibenta ang kanilang lupang ninuno. Matapos makuha ang lupa, pinagtrabaho lamang ang mga ito sa proyekto sa loob ng maikling panahon—isang hanggang dalawang buwan.
Dahil dito, lugmok ngayon sa hirap at kawalan ng mapagkakakitaan ang mga katutubo. Dahil kinalbo at hinarangan ng mga solar panel ang kanilang mga dating dinadaanan, triple ngayon ang sakripisyo ng mga magsasakang Ayta.
BASAHIN: MSpectrum, Tokyo Century, at JFE Engineering, nagsanib-pwersa para sa solar power sa Pilipinas
“Ayta farmers now have to traverse steep rocky mountain trails for three hours from originally one hour while carrying kilograms of sweet potatoes, bananas, and ginger to markets, where they are often forced to sell at low prices,” dagdag ng Katribu.
Ang Olongapo Solar Power Project ay unang ipinakilala noong 2023 bilang isang joint venture sa pagitan ng Energy China at AboitizPower Group. Lalo pa itong naging mabilis matapos makakuha ang AboitizPower Group ng P7.4 bilyong pautang mula sa Bank of the Philippine Islands (BPI) noong nakaraang taon.
Ngunit sa mga larawan at bidyong inilabas ng mga grupo, makikitang nagmistulang “banig” na ng mga solar panel ang Bundok Balimpuyo, na isang kritikal na bahagi ng lokal na ecosystem.
Idinaing na rin ng mga residente sa karatig na Sitio Mampuweng ang matitinding epekto nito sa kanilang kapaligiran dahil lalong uminit ang temperatura sa kanilang lugar na labis na nakaapekto sa kanilang pagsasaka at napansin ng mga residente ang kapansin-pansing pagliit ng ilog at pagkatuyo ng mga natural na balon na pinagkukunan nila ng inuming tubig.
Nilinaw ng mga organisasyon na hindi sila tutol sa renewable energy, ngunit hindi ito dapat ipatupad sa maling paraan. Binigyang-diin ng Katribu na ang paglipat sa malinis na enerhiya ay hindi dapat maging dahilan para tapakan ang karapatan ng mga katutubo.
“Renewable energy is crucial in the transition away from fossil fuels and in addressing the climate crisis. However, this transition should not come at the expense of Indigenous Peoples’ rights, ancestral lands, and environmental integrity. It cannot be considered ‘development’ when it is built on environmental degradation, displacement, and the violation of community rights,” pagtatapos ng grupo.
