NGAYONG 24 Hunyo 2026 Miyerkoles ay ipagdiriwang ang ika-455 anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod Maynila na may temang “Matatag sa Hamon, Pinagtibay ng Panahon.” Pangungunahan nina Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at Vice Mayor Angela Lei “Chi” Ilagan Atienza-Valdepeñas ang pagdiriwang.
Magkakaroon ng paglalagay ng bulaklak sa Rajah Sulayman Park sa Malate bilang pagkilala sa mga nagtatag ng lungsod sa ganap na 08:00 Umaga. Susundan ng inagurasyon ng bagong pasilidad ng community pet park sa Plaza Azul, Quirino Avenue. Pagsapit ng 04:00 Hapon ay ang State of the City Address (SOCA) sa Quirino Grandstand kung saan iuulat sa mga Manileño ang mga nagawa ng pamahalaang lungsod, ang kasalukuyang kalagayan ng Maynila, at ang direksiyong tinatahak nito para sa mas maunlad at mas maayos na kinabukasan.
Noong 18 Hunyo Huwebes ay inilabas ng Malacañang ang Proclamation No. 1320 na nagdedeklara sa 24 Hunyo 2026 Miyerkoles bilang special non-working day, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng pagkakatatag ng lungsod. Layunin ng deklarasyon na mabigyan ng pagkakataon ang mga Manileño na makilahok at makiisa sa mga programa at gawain na inihanda para sa taunang pagdiriwang ng Araw ng Maynila.
Ang Gawad Manileño ay isinagawa noong 19 Hunyo Biyernes sa Tanghalang Metropolitan (MET, itinatag 1933) bilang pagbibigay-pugay sa mga indibidwal at institusyong nagpakita ng husay, dedikasyon, at malasakit sa iba’t ibang larangan.
Ngayong 26 Hunyo Biyernes sa parehong tanghalan ay magaganap ang Miss Manila 2026. Binubuo ng dalawampu’t isang mga kandidata ang maglalaban-laban para sa titulo batay sa sumusunod: Czarina Buenaflor, Algeciras; Monique Angelika Santos, Balic-Balic; Hamiyah Lazaro Ravina, Baseco; Monira Mahmoud, Central; Zoe Cameron, Dagupan Ext.; Gia Ordoñez, Dapitan; Chariah Janessa Barangay, España; Janella Reyn Manuel, Gagalangin; Juvyel Anne Saluta, Intramuros; Imogene Belles, Loreto; Jamela Francois Nicholae Reyes, Morayta; Lee Ha Null Bello, Pablo Ocampo; Kriziel Sarmiento, Pagasa Ext.; Beatrice Santos, Pandacan; Shaina Rose Ico, Recto; Yna Ysabel Garado, Singalong; Danica Mojica, Sta. Ana; Mikki Angela Barcela, Sta. Cruz; Lisa Marie Jane Craven, Sta. Mesa; Goldy Baroa, Tayuman; Louise Rheana Gaña, Tondo.
