Binatikos ng League of Filipino Students (LFS) si Sen. Robin Padilla kasunod ng panukala nitong ibaba sa 10 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility bilang tugon sa mga nagdaang insidente ng karahasan sa mga paaralan na kinasangkutan ng mga estudyante.
Ayon sa grupo, “unscientific” o walang basehan ang mungkahi ng senador at tahasan itong pagpapakita ng galit sa sektor ng kabataan sa halip na tugunan ang mas malalim na problema ng kultura ng karahasan sa bansa.
“Ang kabataan ay mahina, na-brainwash, at ngayon naman ay kriminal? Robin Padilla is a certified Gen Z hater. Walang say sa kapakanan ng kabataan dapat ang coddler ng child killer na si Bato Dela Rosa,” pahayag ni LFS Chairperson Gabriel Magtibay.
Kinuwestiyon din ng grupo kung bakit ang mga bata ang balak unahing tugisin ng senador habang may mga malalaking personalidad na hindi napapanagot sa batas.
“Kung ang mga totoong kriminal na nagnakaw sa pondo ng bayan at pumatay ng libo-libong kabataan di mapanagot at pinagtatanggol pa ng senador, bakit uunahing tugisin ang mga 10 years old lang? Lumakas ang loob ng mga bata na mamaril kasi nakita nila na pinupuri ang mga pumapatay at walang parusa sa mga pumapatay,” dagdag ni Magtibay.
Iginiit ng LFS na ang ugat ng lumalalang karahasan sa mga paaralan ay hindi kakulangan sa intelligence at security, kundi ang umiiral na “culture of violence at impunity” na matagal nang ipinapakita ng mga politiko at ng pamahalaan sa pamamagitan ng war on drugs at tinawag nitong “corned beef culture.”
Ipinaliwanag din ni Magtibay na ang sistema ng edukasyon, kung saan pinagtatunggali ang mga mag-aaral pagdating sa grado, ay nagdudulot ng labis na bigat sa emosyon at kaisipan ng mga kabataan, na nagiging dahilan upang ang ilan sa kanila ay gumamit ng dahas.
Sa halip na parusa at mahigpit na pagbabantay, nanawagan ang LFS na gabayan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbabago sa kultura at sistema ng edukasyon sa bansa. Pinasasagdahan din ng grupo ang pondo para sa mga pampublikong paaralan upang gawing mas makatao, makamasa, at makabayan ang pagtuturo.
“Dapat dagdagan ang pondo sa public schools at baguhin ang edukasyon natin… para makita ng kapwa estudyante ang kaklase nila bilang kapwa Pilipinong may karapatan,” pagtatapos ni Magtibay.
