Nagpapadala ngayon ang Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) ng mga emergency observation data at satellite images sa Pilipinas upang makatulong sa pagsubaybay at mabilis na rehabilitasyon ng mga lugar na niyanig ng lindol sa katimugang Mindanao.
Simula pa noong Hunyo 9, 2026, aktibo nang nagbibigay ang JAXA ng mga kuhang larawan mula sa kanilang ALOS-2 at ALOS-4 (Advanced Land Observing Satellite-2/4).
Ang inisyatibong ito ay ipinaparating sa bansa sa pamamagitan ng international cooperation framework na Sentinel Asia.
BASAHIN: Meralco, nagpaabot ng saklolo sa mga biktima ng lindol sa Southern Mindanao
Ayon sa pamahalaan ng Japan, patuloy silang makikipagtulungan sa Pilipinas upang suportahan ang mabilis na pagbangon ng mga komunidad mula sa mga pinsalang dulot ng nagdaang kalamidad.
Ang Sentinel Asia, na itinatag noong 2006 ng Asia-Pacific Regional Space Agency Forum (APRSAF), ay isang pandaigdigang mekanismo para sa disaster management.
Sa ilalim ng framework na ito, nagbabahaginan ng Earth observation satellite images ang mga kasaping bansa sa tuwing may nagaganap na sakuna.
Sa kasalukuyan, ang APRSAF ay pinamumunuan ng Japan—kung saan ang JAXA ang nagsisilbing secretariat—at binubuo ng 127 organisasyon na nakatuon sa space at disaster management sa buong rehiyon.
