Photo: GSIS
PORMAL nang ilulunsad ngayong buwan ng Hunyo ng Government Service Insurance System (GSIS) ang GSIS Subsidy for STEM Program (GSSP), isang bagong inisyatiba para sa tulong-pinansyal sa mga kuwalipikadong anak ng mga aktibong miyembro na kumukuha ng kursong Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM).
Ang programa ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang access sa de-kalidad na edukasyon at itaguyod ang isang “future-ready” na manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pamumuhunan sa karunungan at kasanayan.
Sa ilalim ng GSSP, ang mga mapipiling iskolar ay makakatanggap ng P15,000 bawat academic year upang makatulong sa kanilang mga gastusin sa pag-aaral.
Maglalaan ang GSIS ng 1,000 slots sa buong bansa, kung saan 20 porsyento (20%) nito ay nakareserba para sa mga aplikante mula sa mga special sectors kabilang ang Indigenous Peoples (IPs), solo parents, Persons with Disabilities (PWDs), at iba pang kuwalipikadong sektor.
Bukod sa pagiging papasok na first-time college freshman at nakatala sa mga tinukoy na STEM degree programs, narito ang mga kwalipikasyon para sa mga nagnanais mag-apply.
- Para sa Miyembro: Dapat ay aktibong miyembro ng GSIS na may permanent employment status, may Salary Grade 15 pababa, at updated ang premium payments sa nakalipas na tatlong buwan.
- Para sa Estudyante: Dapat ay nakakuha ng General Weighted Average (GWA) na hindi bababa sa 90 porsyento noong Senior High School.
Upang masiguro ang maayos na pagpapatupad ng programa, magsasagawa ang GSIS ng nationwide orientation para sa mga nakatalagang coordinators ukol sa guidelines, requirements, at proseso ng pagpili.
“Katulad ng pangulo, naniniwala ang GSIS na ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang puhunan para sa kinabukasan ng ating bansa. Sa pamamagitan ng GSIS Subsidy for STEM Program, nais naming tulungan ang mga anak ng ating mga miyembro na maabot ang kanilang mga pangarap at maging susunod na henerasyon ng mga siyentipiko, inhinyero, teknolohista, at innovator na mag-aambag sa pag-unlad ng Pilipinas,” pahayag ni GSIS President and General Manager Wick Veloso.
Idinagdag pa ni Veloso na ang edukasyon ay hindi isang pribilehiyo kundi isang oportunidad na dapat maabot ng bawat Pilipino para sa pagbuo ng mas maunlad na kinabukasan.
Para sa mga interesadong aplikante, maaaring makipag-ugnayan kina Manager Raymundo Andres Palad o Division Chief Leslie Anne Fangonil ng Corporate Social Advocacies and Public Relations Facilities Department sa mga numerong (02) 8479-3571 o (02) 8479-3572, o mag-email sa gsisscholarship@gsis.gov.ph.
