Hindi lang sa mga flood control projects may “budget insertion.”
Ito ang ibinunyag ng Commission on Audit (COA) matapos nitong kuwestiyunin ang halagang P1.29 bilyon na mga infrastructure projects sa Bicol University (BU) para sa taong 2024 at 2025. Ayon sa COA, ang mga proyektong ito ay idinaan sa “singit” o congressional insertions sa pambansang badyet na tahasang lumabag sa batas at sa patakaran ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa inilabas na audit report, binigyang-diin ng COA na ang mga proyekto—na ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH)—ay hindi sumunod sa Republic Act 11396 o ang Land Use Development and Infrastructure Plan (LUDIP) Law.
Lumalabas din na sinalungat nito ang CHED Memorandum Order No. 11, Series of 2020. Sa ilalim ng Section 7.3 ng naturang memo, ipinagbabawal sa mga State Universities and Colleges (SUCs) ang mag-apruba o magpatupad ng anumang imprastraktura nang walang aprubadong LUDIP na isinumite sa CHED.
Dahil idinaan sa singit ng Kongreso ang pondo sa badyet ng DPWH, tuluyan umanong nalaktawan ang mandatoryong ebalwasyon at proseso ng pag-apruba ng CHED.
Bukod sa paglaktaw sa proseso, pinuna rin ng COA na ang limang dambuhalang proyekto ng DPWH ay walang kinalaman sa kapakanan ng mga estudyante at guro.
Sa ilalim ng LUDIP Law, dapat bigyan ng prayoridad sa pondo ang pagtatayo ng mga student dormitory at housing facilities para sa mga empleyado ng SUCs.
BASAHIN: Atty. Ricardo Blancaflor, itinalagang bagong Board of Trustees chair ng GSIS
Sa halip na mga pasilidad para sa kapakanan ng mga estudyante, napunta ang pondo sa iba’t ibang dambuhalang proyekto na isiningit sa pambansang badyet.
Kabilang dito ang dalawang pinakamalaking proyekto para sa taong 2025 na nagkakahalaga ng tig-P500 milyon—ang konstruksyon at kumpuni ng BU-Main Campus Road Networks kabilang ang mga pasilidad at site development sa Legazpi City, at ang pagpapatayo ng College of Accountancy Phase 2 sa Daraga, Albay.
Kasama rin sa mga kinuwestiyong imprastraktura ang P165 milyong pondo noong 2024 para sa pagpapatayo ng 10-storey Accountancy Building Phase 1 sa Daraga, Albay.
Bukod dito, nakitaan din ng iregularidad ang dalawa pang proyekto sa Legazpi City para sa taong 2025 na binubuo ng P75 milyong badyet para sa BU Integrated Elementary and High School Building Phase 1, at ang P50 milyong konstruksyon ng school building sa BU College of Education Integrated Laboratory High School.
Natuklasan sa pag-aaral ng COA na mismong ang LUDIP-Technical Working Group ng unibersidad ay walang alam sa mga proyekto. Nalaman na lamang umano nila ito nang makipag-ugnayan ang DPWH para itanong kung saan itatayo ang mga gusali. Dahil nandiyan na, nagturo na lamang ang pamunuan ng BU ng bakanteng lote na akma sa kanilang zoning.
Naging daan sa paglaktaw na ito ang Section 5 ng Special Provisions ng 2024 at 2025 General Appropriations Act (GAA), kung saan direktang inilalabas ang pondo sa DPWH kapag lumagpas sa P5 milyong halaga ang proyekto ng SUCs, dahilan para mabalewala ang kontrol ng CHED.
Babala ng COA, dahil nagkabuhol-buhol ang master plan ng unibersidad, posibleng manganib ang BU na hindi na irekomenda ng CHED sa Department of Budget and Management (DBM) para sa mga susunod nitong pondo.
Habang bilyon-bilyon ang pondo sa mga bagong gusali, kinalampag din ng COA ang BU dahil sa mga nakatenggang proyekto nito mula pa noong 2022 na kinabibilangan ng P74.69-M College of Medicine Building extension (64.15% pa lang ang tapos) at ang P35-M BUCAF student dormitory (na nasa 59.02% pa lang matapos putulin ang kontrata).
Depensa naman ng pamunuan ng Bicol University, hindi talaga kasama sa orihinal nilang LUDIP ang mga nasabing proyekto dahil ang mga ito ay biglaang “congressional insertions” na pinagtibay bilang batas ng lehislatibo.
Gayunpaman, tiniyak ng BU na ginawa nila ang lahat ng pag-iingat upang masigurong nakatayo ang mga gusali sa tamang zone ng unibersidad. Sa kasalukuyan, inihahanda na umano ng unibersidad ang isang revised LUDIP upang pormal na itong maihain at maaprubahan ng CHED.
