Tuluyan nang binawi ng pamahalaan ng United States ang diplomatic at tourist/business visas ni Leyte Representative at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ayon sa pagkumpirma mismo ng diplomatiko ng Pilipinas sa Washington ngayong Biyernes, Hunyo 5.
Sa isang maikling mensahe, kinumpirma ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babes” Romualdez na kanselado na ang mga visa ng mambabatas, ngunit sinabing “ngayon lang” ito opisyal na nakumpirma sa kaniya at wala pa siyang hawak na iba pang detalye.
“All I can say is it’s confirmed. I don’t have any details,” pahayag ng embahador.
Ang mambabatas at ang embahador ay magpinsan, at kapwa pinsan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panig ng ina nitong si dating First Lady Imelda Marcos.
Ang pagbawi sa mga Amerikanong visa ni Romualdez—na dating palaging kasama ng Pangulo sa mga opisyal na biyahe sa labas ng bansa—ay naganap habang nahaharap ito sa mga seryosong reklamo sa Office of the Ombudsman.
BASAHIN: CA ipina-freeze ang mga bank account at ari-arian ni Martin Romualdez
Kabilang sa mga reklamong isinampa laban sa kaniya ay ang Plunder (Pandarambong); Graft at Corrupt Practices; Money Laundering; gayundin ang Direct at Indirect Bribery.
Sa ilalim ng pamumuno ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, pormal na inakusahan ng ahensya si Romualdez bilang “purported mastermind” o utak sa likod ng malawakang korapsyon na may kaugnayan sa mga pekeng flood control projects o “ghost projects.”
Bago pa man ang pagkansela ng kaniyang US visas, una nang hiniling ni Romualdez sa Sandiganbayan na iangkat ang Precautionary Hold Departure Order (PHDO) na kasalukuyang nagbabawal sa kanya na makalabas ng Pilipinas.
Gayunman, opisyal na ibinasura ng anti-graft court ang naturang hiling ng mambabatas.
Habang isinusulat ang balitang ito, kasalukuyan pa lamang sa antas ng preliminary investigation ang mga reklamo sa Ombudsman at wala pang pormal na sakdal o indictment sa korte laban kay Romualdez.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Embahada ng Amerika sa Pilipinas ukol sa isyu, sa paggigiit ng kanilang confidentiality laws pagdating sa mga indibidwal na kaso ng visa. Ito rin ang naging tugon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isinangguni na lamang ang usapin sa US Embassy.
Ayon sa umiiral na patakaran ng US Department of State, maaaring bawiin ang visa ng isang dayuhan sa maraming dahilan, kabilang ang pagkakaaresto, pagkakadawit sa krimen, o kung ang isang indibidwal ay maituturing na banta sa pampublikong kaligtasan o pambansang seguridad ng Amerika.
Kasalukuyan pang hihinitay ng media ang opisyal na pahayag mula sa kampo ng dating Speaker hinggil sa usaping ito.
