Pormal nang inilunsad ang kilusang “Pilipinas Beat Bullying” (PBB) upang palawakin ang adbokasya laban sa talamak na pambu-bully sa bansa, kasabay ng mariing pagkondena sa isang pamilya ng sikat na personalidad at ang paggigiit na panagutin sa batas ang mga magulang ng mga batang nambu-bully.
Pinangunahan ni Ryan Tanaman, President ng PBB, ang pagtatatag ng kilusan kasama ang mga indibidwal mula sa Pasig, Quezon City, at iba pang lungsod.
Ayon kay Tanaman, binuo ang kilusan matapos makaranas at makasaksi ng mga hindi nararapat na sitwasyon ng pambu-bully sa mga kabataan.

Naging mitsa rin ng pagbuo ng kilusan ang isang nakababahalang insidente sa korte sa Quezon City kung saan ibinasura (dismissed outright) ang kaso ng pambu-bully na kinasangkutan ng isang tanyag o high-class na personalidad.
“Naging alarming po sa aming mga maliliit na tao… kung ang mga high-class na tao po ay hindi nabigyan ng hustisya, paano pa po kami? Kaya po gusto naming imulat ang mga kabataan, magulang, at gobyerno na itama at ayusin ang proseso ng pagre-review ng mga kaso,” ani Tanaman.
Kabilang sa pangunahing isinusulong ng grupo sa mga mambabatas ay ang pag-review at pagrevisa sa Anti-Bullying Act of 2013 (RA 10627).
Giit ni Tanaman, masyadong limitado ang kasalukuyang batas dahil sumasaklaw lamang ito sa loob ng mga paaralan at sa mga estudyante.
Nais ng kilusan na lagyan ng probisyon ang batas upang maging legal na responsable at may pananagutan sa korte ang mga magulang ng mga batang nambu-bully.
“Dapat po magkaroon ng pananagutan [ang mga magulang]. Kasi po unang-una, lahat po ng behavior at attitude ng kabataan nagsisimula po ito sa tahanan,” paliwanag ni Tanaman habang pakiusap naman niya sa mga otoridad na huwag agad-agad ibasura o balewalain ang mga reklamo ng mga pamilyang biktima.
Kasabay ng paglulunsad, naglabas ng opisyal na pahayag ang PBB nitong Biyernes, Hunyo 5, 2026, kaugnay ng napanood na panayam sa telebisyon ng pamilya Vargas na muli umanong nagbukas sa sugat ng napakaraming biktima ng pang-aapi.
“Bilang isang ama, labis na nakadurog ng puso ang makita ang kawalan ng pagsisisi at pagpapakumbaba mula sa magulang ng batang sangkot sa pambubully,” saad sa opisyal na pahayag ng grupo.
“Sa halip na tanggapin ang pagkakamali at humingi ng paumanhin sa pamilya Vargas, tila mas piniling ipagtanggol ang hindi maipagtatanggol.”
BASAHIN: GATCHALIAN: MGA CHILD PROTECTION COMMITTEES PAKILUSIN LABAN SA BULLYING
Nanawagan ang PBB sa lahat ng magulang na huwag gawing depensa ang pagmamahal upang pagtakpan ang pagkakamali ng kanilang anak dahil ang tunay na pagmamahal ay pagtutuwid at hindi pagkunsinti.
Nag-iwan din ng babala ang grupo na, “Kapag ang magulang ang unang nagtatanggol sa mali, huwag tayong magtaka kung ang bully ay lumaking walang takot sa batas, walang malasakit sa kapwa, at walang pagsisisi sa kanyang mga ginawa.”
Sinuportahan naman ito ni Owesa Joy Osea, isang kilalang advocate ng anti-bullying ng Bulacan, na nagsabing ang ugat ng bullying ay madalas na nagmumula sa sitwasyon sa loob ng tahanan.

Ayon kay Osea, malaki ang gampanin ng mga ina at magulang sa paggabay sa pamilya upang maiwasan ang mga psychological issue na nagiging dahilan ng karahasan ng isang bata sa kanyang kapwa.
“I think there’s a psychological problem within the family kaya nagkakaroon po ng ganitong problema na when they get out of their house or when they go to the society, they bring out ‘yung anger nila… because nag-i-start ‘yun sa pamilya, sa loob ng bahay,” pahayag ni Osea.
Ipinaalala niya sa mga magulang na ang reputasyon at pananagutan ng pagpapalaki ng isang ‘bully’ ay babalik at babalik din sa kanila.
“Nananawagan po ako, kung mahal natin ‘yung mga anak natin, palakihin natin sila ng maayos, ng tama, at may tamang character… Na dapat kapag lumabas sila sa society, they become good citizens talaga,” dagdag pa niya.
Isang nakatutunaw ng pusong kuwento ng karahasan at matinding pinsala sa mental health ang ibinahagi ng isang ina na si Erlina Bausing sa kanyang paglahok sa programa ng PBB.
Isinalaysay ni Bausing ang sinapit ng kanyang anak noong taong 2002 na nag-iwan ng malalim na trauma na pasan-pasan pa rin nila hanggang sa kasalukuyan.
Labindalawang (12) taong gulang at nasa unang taon pa lamang sa mataas na paaralan ang kanyang anak nang umuwi ito isang gabi na punit-punit ang damit, may mga pasa sa katawan, sira ang bag, at nawawala ang isang sapatos habang nanginginig sa takot.

Napag-alaman niya kinaumagahan mula sa isang kaklase na hinarang at dinala ang biktima ng anim na mas matatandang kabataan paglabas ng eskwelahan.
Dahil dito, dumanas ng malalang psychological effect ang bata na hindi na kumakain, hindi nakatutulog, at nagwawala tuwing magigising habang sumisigaw ng, “Andiyan na naman sila, sasaktan na naman nila ako.”
Dahil sa lumalalang kondisyon at sa payo ng doktor, napilitan silang dalhin ang bata sa mental hospital matapos itong tuluyang mawala sa sariling kaisipan at maghubad habang nakasakay sa isang pampublikong dyip.
“12 years old pa lang siya, naawa ako sa anak ko. Hindi na niya kami kilala ng mga magulang niya dahil sa napakatinding trauma,” emosyon na pag-alala ni Bausing, na nagpasalamat na lamang na hindi umabot sa puntong pinatay ang kanyang anak ng mga kabataang hinihinalang lulong sa masamang bisyo.
BASAHIN: PARUSA SA MGA MAGULANG NG BULLY, ISINUSULONG SA SENADO
Sa kasalukuyan, 26 taong gulang na ang kanyang anak ngunit nananatili ang bakas ng trauma.
Kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng klase, nanawagan ang PBB sa mga paaralan, guro, at magulang na maging gabay upang masugpo ang karahasan sa mga kampus.
Plano ng grupo na pormal na makipag-ugnayan kina Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang hilingin ang mas pinalakas na kampanya at masusing imbestigasyon sa mga kaso ng bullying.
Para naman sa mga magulang na natatakot maghain ng reklamo laban sa mga nambu-bully, nag-iwan ng mensahe si Tanaman.
“Ngayon pa lang po kami na ang nagsasabi sa inyo—huwag po kayong matakot. Lalong-lalo na po nandito na po kami, ang Pilipinas Beat Bullying Movement, na tutulong at dudulog sa inyong gustong hustisya.”
Maaaring makipag-ugnayan ang mga biktima at humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa kanilang opisyal na Facebook page na “Pilipinas Beat Bullying-PBB.”
