Binigyang-diin ng mga mambabatas sa Senado nitong Lunes ang pangangailangang papanagutin ang mga magulang ng mga mag-aaral na masasangkot sa bullying.
Sa gitna ito ng isinagawang joint hearing ng Senate Committee on Basic Education at Committee on Finance upang suriin ang pagiging epektibo ng mga kasalukuyang hakbang ng pamahalaan laban sa talamak na bullying sa mga paaralan sa Pilipinas.
Ipinahayag ni Senator Bam Aquino, tagapangulo ng komite sa edukasyon, na kinakailangan ang mas matibay na preventive measures at mabilis na aksyong pandisiplina upang mabago ang kultura ng karahasan sa mga eskwelahan.
Ayon kay Aquino, mahalagang itaguyod ang pagiging “upstander” sa halip na maging pasibong saksi lamang sa tuwing may nagaganap na pang-aapi. Binanggit din ng senador ang mga mungkahi mula sa publiko na dapat magkaroon ng direktang pananagutan ang mga magulang sa asal ng kanilang mga anak.
Suportado naman ni Senator Raffy Tulfo ang ideya ng pagpapataw ng parusa sa mga magulang ng mga “bully.” Iminungkahi ni Tulfo ang pagsasagawa ng community service, gaya ng paglilinis o pagganap bilang janitor sa paaralan, bilang kaukulang sanksyon.
Binatikos din ng senador ang “reactionary” na sistema ng Department of Education (DepEd) at iba pang ahensya, kung saan kumikilos lamang ang mga ito kapag may pormal nang reklamo o malubha na ang sitwasyon.
Batay sa datos na inilabas ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nananatiling malaking hamon ang bullying sa sektor ng edukasyon.
Lumabas sa ulat na 63% ng mga mag-aaral sa Grade 5 ang nakakaranas ng bullying linggo-linggo, isa sa pinakamataas na antas sa buong mundo.
Ayon kay Riz Comia, technical specialist ng EDCOM II, ang madalas na bullying ay direktang sanhi ng pagbaba ng kalidad ng pagkatuto, kung saan ang mga biktima ay nakakakuha ng mas mababang marka sa Mathematics at Science.
Sa panig ng DepEd, tiniyak ni Atty. Razzel Ann Requesto na pinalalakas na nila ang mga programa para sa capacity-building ng mga guro at mag-aaral upang masugpo ang naturang problema.
Gayunpaman, binigyang-diin sa pagdinig ang kakulangan sa mga personnel, partikular ang ulat na 79% ng posisyon para sa guidance counselors sa mga pampublikong paaralan ay nananatiling bakante.
Kasalukuyan nang sinusuri ng mga mambabatas ang Republic Act No. 10627, o ang Anti-Bullying Act of 2013, upang matukoy kung nangangailangan ito ng mga amiyenda para mas lalong maprotektahan ang kapakanan ng mga mag-aaral sa bansa.
