PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
SA pambihirang pagkakataon ay muling ipinalabas sa big screen ang pelikulang ‘Himala’ (1982) sa direksyon ni Ishmael Bernal (1938-96) at pinagbidahan ni Nora Aunor (1953-2025) bilang Elsa. Sinundan ng talkback session kay Ricky Lee (isinilang 1948) na pinangasiwaan ni Dr. Patrick Campos, Propesor ng University of the Philippines Film Institute. Ang lahat ay naganap kaugnay sa ‘Film Fridays’ (nagsimula 2025) ng Intramuros Administration (itinatag 1979) gamit ang projection screen ng Centro de Turismo Intramuros, Lungsod Maynila, nakaraang 29 Mayo 2026 Huwebes.
Ang ‘Himala’ ay nagsasalaysay sa isang babae na sinasabing may mga pangitain at kapangyarihang magpagaling na nagpabago sa kaniya bilang simbolo ng pananampalataya, pag-asa, at kontrobersya sa isang pamayanan na nahihirapan at desperado para sa mga himala.
Ang pelikula ay nagdadala ng talino at husay ng tatlong (3) Pambansang Alagad ng Sining – Ismael Bernal (ginawaran 2001), Nora Aunor (2022), at Ricky Lee (2022).
Ang ‘Himala’ ang isa sa pinakamahalagang pelikulang nalikha sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Inilarawan sa pelikula ang bulag na pananampalataya na ginawang sandata para sa kasakiman at nanaig ang ginhawa ng ilusyon kaysa sa malupit na katotohanan. Binubuo ng halos dalawang (2) oras ang pelikula.
Sa tulong ng Sagip Pelikula (dating ABS-CBN Film Restoration Project) ay nailigtas at nairestore ang klasikong pelikula noong 2012. Ang digitally restored version ay nagawang ipalabas sa 69th Venice International Film Festival sa Venice Lido, Italy, noong 08 Setyembre 2012.Si Lee ang scriptwriter ng pelikula ay isa ding mamamahayag, nobelista, at mandudula.
Ayon kay Lee, ang ‘Himala’ ay produkto ng matinding pagsubok sa kaniyang buhay. Sinulat niya ang pelikula ilang taon matapos siyang makalaya mula sa pagkakakulong bilang isang political activist.
Ang kaniyang naranasang trauma, depresyon, at mga obserbasyon sa lipunan na puno ng krisis, kahirapan, at pananampalataya sa mga mapagkunwari at huwad na tagapagligtas, ang nagsilbi niyang inspirasyon sa kuwento.Naging malaking hamon kay Lee ang paggawa ng pelikula sa panahon ng Batas Militar. Sapagkat tumatalakay sa mga isyu tulad ng korapsyon, panatisismo, at kahirapan dahil sa takot sa censorship ng pamahalaan.
Bago pa man nagawa ang pelikula, ang iskrip ay ilang beses na hindi tinanggap ng mga producers dahil ayon sa kanila’y “masyadong mabigat” at posibleng “walang manonood”. Nang tanggapin upang isapelikula, naging hamon ang limitadong badyet kung kaya’t kinakailangang magtiis sa humigit-kumulang sa tatlong (3) milyong piso at kinunan lamang ang mga eksena sa loob ng tatlong (3) linggo sa Ilocos Norte, na gumamit ng mahigit tatlong libong (3,000+) mga ekstra.
Sa kabila ng mga pinagdaanan, ang ‘Himala’ ay naging obra maestra at napabilang sa prestihiyosong Berlin International Film Festival noong 1983.Mababasa sa Nora Aunor National Artist Facebook page ang ganito, “Kakaiba sa mga screening na napuntahan ko na imbes na puro Noranians ang makikita mo, ay mas maraming kabataan ang gustong masilayan ang 1982 obra maestrang ‘Himala’. Isang masigabong palakpakan ang ibinigay ng audience nang matapos ang pelikula.”
